339 total views
Mga Kapanalig, sa pagkakalantad ng alitan ng mga mahistrado ng Korte Suprema, nakikita nating hindi pala ito ganoon katatag sa harap ng pamumulitika. Lantaran man o hindi, kanya-kanyang batuhan ng putik ang ilang mahistrado, kahit pa ang tinitira nilang kasamahan na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay pansamantalang naka-leave. Maging ang leave na ito ay naging dahilan pa ng hindi pagkakaunawaan ng mga mahistrado dahil para sa ilan sa kanila, hindi raw naging tapat si CJ Sereno sa pagsasapubliko nito—wellness leave daw kasi ang sinabi niya sa halip na indefinite leave. Dahil raw dito, nakompromiso niya ang integridad ng Kataas-taasang Hukuman.
Ngunit hindi ba’t matagal nang nakompromiso ang integridad ng Korte Suprema sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? Una, pinahintulutan ng mayorya sa mga mahistrado ang paglilibing sa diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ikalawa, pinayagan din nila ang extension ng martial law sa Mindanao. Ikatlo, nang maglabasan sa pagdinig sa Kamara ang ilang mahistrado upang idiin si CJ Sereno, hindi ba’t nalagay din sa alanganin ang integridad ng pinakamataas na hukuman?
Ang lehislatura ay mistulang nagagamit na rin upang pahinain ang mga institusyon natin. Halimbawa, kahit pa ang batayan ng reklamo laban kay CJ Sereno ay ang mga maling statements of assets, liabilities, and net worth (o SALN), pinipilit kuwestiyunin ng mga kaalyado ng pangulo ang mental health ni CJ Sereno na wala namang kaugnayan sa batayan ng reklamo. Isasama nga raw ang resulta ng kanyang psychological tests sa mga proposed articles of impeachment na pagbobotohan ng House Committee on Justice ngayong linggo. Target na magbotohan ang mga mambabatas sa plenaryo sa darating na Mayo pagkatapos ng kanilang summer break. At kung pagbabatayan ang track record ng Mababang Kapulungan kung paano nito ginagawa ang lahat para kay Pangulong Duterte, hindi na tayo magtataka kung matuloy nga ang impeachment hearing sa Senado.
Pinabababaw ng mga nangyayari ngayon sa ating pamahalaan ang halaga ng sistema ng tinatawag nating “checks and balances”. Ang checks and balances ay tumutukoy sa pagtiyak ng tatlong sangay ng pamahalaan—ang ehekutibo, lehislatura, at hudikatura—na wala sa kanilang aabuso sa kanilang kapangyarihan. Ngunit sa pagpupumilit na mawala sa puwesto si CJ Sereno, masasabing may mga puwersang nais gamitin ang ating mga institusyon upang mawala ang mga sa tingin nila’y hadlang sa kanilang makasariling agenda. Hindi tuloy maiwasang isiping nais talaga ng nasa ehekutibo, sa tulong ng mga kakampi sa lehislatura, na kontrolin ang hudikatura. Tandaan po nating magkakapantay ang kapangyarihan ng ehekutibo, lehislatura, at hudikatura; ang panghihimasok ng isa sa iba pang sangay ay pahiwatig ng pagkiling sa diktadurya.
Ayon sa Pacem in Terris, isang encyclical na isinulat ni St John XXIII, ang isang rehimeng namamahala sa pamamagitan ng pagbabanta o pananakot, o sa pamamagitan ng pangangako ng pabuya sa mga kakampi ay hindi nakahihikayat sa mga mamamayang kumilos para sa kabutihan o kagalingan ng lahat. Mahihinuha rin sa Pacem in Terris ang pagpapahalaga ng Simbahan sa magkakahiwalay na kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan: ang lehislatura, dapat na pinahahalagahan ang Saligang Batas; ang ehekutibo, dapat inuunawa ang batas na kanilang ipatutupad; ang hudikatura, dapat na walang kinikilingan at hindi nagpapaimpluwensya. Mahalagang nagagawa ng mga sangay ng pamahalaan ang mga ito upang tiyaking ang kagalingan ng lahat ang naisusulong.
Kaya, mga Kapanalig, sa pagsubaybay natin sa mga balita tungkol sa impeachment complaint laban kay CJ Sereno, suriin natin kung paano naisusulong ng mga mambabatas at mga mahistradong nakikilahok doon ang kagalingan nating lahat. Napatatatag ba nila ang ating mga institusyon o hinahayaan nilang humina ang pundasyon ng mga ito?
Sumainyo ang katotohanan.