392 total views
Mga Kapanalig, sa pagbasura ng Department of Justice o DOJ sa mga kaso laban sa mga umano’y big time druglords, tumibay ang paniniwala ng maraming ang kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte ay may kinikilingan at may pinoprotektahan. Para sa iba, hindi na kagulat-gulat ang ginawang ito ng DOJ. Paraan daw ito ng paggantimpala sa mga taong pilit na iniugnay ang senadorang kritiko ng pangulo hanggang sa ito nga’y makulong. Paraan din daw ito ng pagbabalik ng pabor sa mga kaibigan, kumpare, at campaign contributor ng pangulo kahit pa ang mga ito’y tinawag niyang drug lord at minsang pinagbantaang papatayin.
Katwiran ng DOJ, kulang daw ang ebidensyang nakalap upang patunayang sangkot ang mga kinasuhan sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa. Ito ay sa kabila ng pag-amin sa isang pagdinig ng isa sa kanila na isa siyang drug dealer. Maaari ring tanungin: talaga bang naghanap ng ebidenysa ang ahensyang dapat gumawa nito?
Samantala, patuloy ang ating kapulisan sa pagsuyod sa mga mahihirap na pamayanan upang hanapin ang mga sinasabing gumagamit at nagtutulak ng droga. At alam naman po nating kahit walang ebidensya, basta’t nasa watchlist ang kanilang pangalan, maaaring target ang sinuman sa tuwing may raid, maaaring pasukin ang bahay kahit walang search warrant, at maaaring dakpin kahit walang warrant of arrest. Ang masaklap pa, ang mga napapatay, dahil daw nanlabán, ay tinataniman ng ebidenysa upang palabasing guilty.
Sinasalamin ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte ang baluktot na uri ng katarungan sa ating bansa. Kung mayaman at maimpluwensya ka, nariyan ang proseso ng batas para iyong mapakinabangan, at masuwerte ka pa kung may kilalá ka sa pamahalaan dahil baka maabswelto ka pa. Kung mahirap ka naman, walang prosesong kailangang pagdaanan ang mga tagapagpatupad ng batas, at pasensya ka kung mabulok ka sa bilangguan kahit walang kaso, o kahit pa mapatay ka sa harap ng iyong mga mahal sa buhay. Hanggang ngayon, wala pa tayong nakikitang malaking drug lord na nakukulong o naparurusahan, samantalang dumanak na ang dugo ng mahigit 10,000 Pilipino—karamihan sa kanila’y mahihirap—bunsod ng brutal na “war on drugs.” Ngunit lalo pang tumingkad sa ginawang ito ng DOJ na ang giyera kontra droga ay giyera kontra mahihirap. Nakalulungkot na marami pa rin sa atin ang pinipiling magbulag-bulagan sa katotohanang ito, at marami ang nagbibingi-bingihan sa daing ng mga pamilya ng mga maralitang biktima.
Isa ang katarungan o justice sa mga tinatawag natin sa Simbahan na “fundamental values of social life”, mga saligang pinahahalagahan natin bilang bahagi ng lipunan. Nakaugat ang katarungan sa dignidad ng tao, at kasama ng katotohanan, kalayaan, at pag-ibig, nagkakaroon ng pagkakataon ang isang tao na palaguin ang kanyang sarili. Kung hindi tunay na katarungan ang umiiral, mabibigo rin tayong lahat na bumuo ng isang makataong lipunan. Dagdag pa ng mga panlipunang turo ng Simbahan, hindi lamang nakabatay sa kung ano ang nakasaad sa batas ang pagiging makatarungan kundi sa angking pagkatao ng bawat isa sa atin.
Mga Kapanalig, sinabi noon ni Pangulong Ramon Magsaysay, “He who has less in life should have more in law.” Ang mga aba, aniya, ay dapat na magkaroon nang higit sa batas. Hindi ito pagbibigay ng pribilehiyo sa mahihirap kundi pagkilala sa kanilang dignidad na ninanakaw ng kahirapan at kawalan ng katarungan. Ngunit, sa itinatakbo ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, malinaw na ang mga mahihirap ang pinagkakaitan ng katarungan. Huwad ang katarungang ipinapangako ng marahas na pagtugis sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Huwad ang katarungan kapag malaya ang mga nasa poder na protektahan ang iilan, lalo na ang mga malapít sa kanila, ang mga maimpluwensya sa lipunan, o ang mga may sinasabi sa buhay.
Sumainyo ang katotohanan.