209 total views
Mapayapang bansa ang nais ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang kasalukuyang GRP panel chief negotiator sa rebeldeng komunista.
Ayon kay Bello, hindi kinalilimutan ng pangulo ang pangakong maipamana sa bansa ang pangmatagalang kapayapaan.
“Ang ating pangulo sinabi po niya, that his leadership in the country is a lasting ang enduring inclusive peace for our country. Yun ang sinabi niya na ipamana sa ating bansa at hindi niya po kinalilimutan ang kaniyang mga pangako,” pahayag ni Bello sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng kalihim na ipinahinto lamang ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan sapagkat nakikita nitong hindi tapat ang CPP-NPA-NDF sa peace talks dahil sa patuloy na pang-aatake sa mga sundalo, mga pulis, pangingikil sa mga negosyante, at panununog sa mga pribadong ari-arian.
Kaya’t hinimok ng pangulo ang mga komunista na itigil ang karahasan upang maisulong ang pag-uusap para sa kapayapaan sa bansa.
Inihayag din ni Bello ang 60 araw na ibinigay ng pangulo para maisaayos ang usapang pangkapayapaan.
Umaasa rin ang simbahang katolika na maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan upang magkakasundo na ang bawat panig at magkaroon ng positibong resulta ang matamasa ang kapaypaan sa bansa.