186 total views
Mga mimanahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tinipon tayo ng Espiritu ng Diyos upang sa pamamagitan ng liturhiya ngayong hapon ay ating magunita ang isa na siguro o baka pinakamadilim na araw o Biyernes sa kasaysayan ng sangkatauhan. Dahil ang anak ng Diyos na naging tao ay ipinapatay kahit inosente, ang kadiliman ng kasalanan ay kitang-kita at damang-dama tuwing Biyernes Santo. Pero ito rin ang pinakabanal na Biyernes sapagkat namalas natin ang hindi mapapantayan na pag- ibig na hindi naman natin dapat tamuhin. Sa narinig nating ebanghelyo, ang huling salita ni Hesus bago malagutan ng hininga ay natupad na! naganap na! ano ang natupad? ano ang naganap? Siguro ang mga nagpapatay kay Hesus ang sasagot dun sasabihin nila ang aming misyun ay natupad na ikaw ay ipadakip at ipapatay, nagtagumpay kami naganap na ang aming plano na ikaw ay alisin sa mundong ito, naganap na ang aming hangarin. Pero para kay Hesus ano ang naganap sa mata ng mundo? wala siyang natupad total failure, hindi naipaglaban ang sarili, hindi naipaglaban ang kapwa, talo siya wala siyang nagawa pero ano ang naganap at natupad ni Hesus? Ang kanyang misyon, misyon hindi ayon sa mundo kundi misyon na ibinigay sa kanya ng Diyos ama. Noong tinapyas ni Pedro ang tainga ni Marcus, sabi ni Hesus, isalong ang iyong tabak dapat kung inumin ang kalis ng paghihirap na ibinigay sa akin ng ama, huwag mong hadlangan Pedro ang aking pag-inom sa kalis ng paghihirap na naaayon sa plano ng ama. Kaya ng sumigaw si Hesus nauuhaw ako! nauuhaw siya, sana mainum na niya ang kalis na bigay ng ama at pagkainum niya, sumigaw siya naganap na! Nainom na niya ang kalis ng misyun ayon sa ama na may kasamang paghihirap at noong nainom na niyang lahat puwede na siyang mamatay. Naganap na niya ang iniutos ng ama. Ito po ay isang napakamisteryosong pamamaraan ng pagliligtas sa atin sa mundo natin ngayon, na ang gusto natin ay success, ang gusto natin tagumpay, parang ang hirap paniwalaan na ang misyon ay natupad sa pamamagitan ng pagdurusa at pagkatalo. Ang mundo natin ngayon ay huwag kang magpapatalo, unahan, yapakan, ang hindi mayayapakan yan ang nakatupad ng kanyang misyon. Kaya punong-puno tayo ng inggitan, ng siraan, bago ako maunahan, tapakan ko na.
Nakalulungkot pati sa opisina kapag narinig natin na parang ma-po-promote yung isa, naku insecure na, insecure, galit na galit tayo bakit siya, bakit hindi ako? At anong gagawin? magpapalapad ako ng papel at kung malakas ang loob ko sisiraan ko sa boss yung ipo-promote at habang nasisira tuwang-tuwa ka. At kapag ikaw ang na promote at siya ay nademote tsaka mo sasabihin, naganap na! natupad na! That’s the gospel of success, nakakalungkot mukhang ganyan din ang takbo ng ating pulitika, sige siraan na lang, totoo man o hindi bahala na basta mapabagsak mo yung isa at pagbagsak mo yung isa, tataas ka, natupad na! naganap na! Uhaw na uhaw sa posisyun, uhaw na uhaw sa tagumpay, uhaw na uhaw sa kayabangan! Pero nakakalimutan mauhaw sa misyon ayon sa Diyos hindi misyon na dinidikta ng misyon, tanging ang nauuhaw at tumutupad sa misyon galing sa Diyos, ang makapagliligtas. Ang tumutupad sa misyon na makamundo, magpapahamak, hindi magliligtas. Pero, sabihin man natin iyan napaka-misteryoso, puwede pa nating sabihin sa Diyos, Diyos ama tutuparin namin ang misyon pero huwag naman sa pamamagitan ng paghihirap, puwede ba na gagawin ko naman yung misyon pero puwede misyon na mayroong good time, mas madali gagawin ko yung misyon kung komportable. Papano ko magagawa ang misyon kung may paghihirap, ang medyo nakalulungkot nga rin po may ibang mapagsamantala na ginagamit ang paghihirap ni Hesus para paghirapin ang kanilang kapwa. At sasabihin yan tularan mo si Hesus, mga kumpanya na hindi ibibingay ang tamang pasuweldo sa kanilang mga empleyado at habang naghihirap ang empleyado sasabihin ng boss okey yan nakikiisa ka sa paghihirap ni Hesus. Mga babae na pinagsasamantalahan, binubusabos at pagkatapos sasabihan sila, tanggapin mo na lang yan napapalapit ka kay Hesus. Mag-ingat po tayo, hindi tinuro sa atin na tayo ay magbigay ng dusa at pagdurusa at paghihirap sa iba at gagamitin natin si Hesus. Bilang dahilan sapagkat si Hesus ay hindi nagpahirap ng kapwa, hindi yan gagawin ni Hesus. At ang nagpapahirap sa kapwa at gagamitin si Hesus mag-isip isip ka. Kaya ko po nasasabi ito kasi naanyayahan po ako minsan magbigay ng Lenten recollection para sa mga manggagawa sa isang pabrika. Tuwang-tuwa naman ako, sabi ko wow ambait naman nung may-ari, nung supervisor gusto pa niya mayrong recollection ang mga empleyado. Noong tinanong ko ano ho ba ang gusto ninyong topic o tema? Sabi niya kasi Bishop narinig ko gusto nilang humingi ng umento sa suweldo puwede ho ba ipaliwanag niyo sa kanila na magdusa sila at sa kanilang pagdurusa lalu silang napapalapit kay Hesus. Sabi ko, hindi-hindi yan tunay na recollection, hindi ganyan ang pananaw sa pagdurusa na aapihin mo ang kapwa tapos ang iyung justification si Hesus, hindi iyan ang pagdurusa ni Hesus. Ang pagdurusa ni Hesus ayon sa ikalawang pagbasa mula sa mga sulat sa Hebreo ay ang pagdurusa ng isang tao na lubusang ibinibigay ang sarili o pera matupad ang kalooban ng Diyos, hindi kumakapit sa sariling lakas hindi kumakapit sa sariling plano kundi ang plano ng Diyos at sa pagtupad sa plano ng Diyos kayang harapin ang mga paghihirap. Tanggapin natin ang pagtupad sa kalooban ng Diyos may kasamang paghihirap kamatayan sa sarili.
Sinabi ni Hesus mahalin mo ang iyong kaaway naku, may pagdurusa yan, pero kung susunod tayo sa utos ni Hesus handa kang magdusa mamahalin mo ang kaaway. Sabi ni Hesus ibigay mo ang kalahati ng iyung ari-arian, ibenta mo ang mga ari-arian mo at ibigay sa mga dukha naku, kung susunod ka sa gusto ni Hesus may pagdurusa ka, hindi yung pagdurusa ang hanap mo kundi susunod ka sa Diyos at sa pagsunod mo magiging walang wala ka pero buong-buo para sa Diyos. Walang-wala sa sarili buong-buo para sa Diyos. At sinabi rin ng ikalawang pagbasa, si Hesus naging ganap sa kaniyang pagtalima sa Diyos at naging ganap din sa pakiiisa sa atin. Anak siya ng Diyos pero naging tao, niyakap ang ating kundisyun, sabi niya kay Pilato, kaya siya isinilang bilang tao ay para matupad ang plano ng Diyos at tunay nakipag-isa siya sa atin, nagpakababa pati kamatayan bilang kriminal niyakap niya ganyan niya tayo kamahal. Marami sa atin hindi naman ipapako sa Krus ei, yung iba sa atin mamamatay pa nga sa class na class na ospital, yung iba sa atin maaring mamatay pa nga sa icu. Pero si Hesus na anak ng Diyos dala ng malaking pag-ibig sa atin inako ang ating abang kalagayan.
Iyan ang pag-ibig kahit hindi naman para sa kanya niyakap niya dala ng kaniyang pakiiisa sa kapwa.
Naikuwento ko po ito minsan pero magandang halimbawa. May isang babae raw na nagkakanser, ang kinatatakutan niya hindi yung mamatay, ang kinatatakutan niya kapag nag-chemotherapy siya, makakalbo siya kasi itong babae ay medyo image conscious. Parang mas gugustuhin pa niyang mamatay kesa makalbo, ayaw ng gamot kasi malulugas ang buhok, hindi maiiwasan at dumating ang paglulugas ng buhok, hindi raw lumalabas ng bahay ikinahihiya ang kaniyang bagong anyo. Isang araw umuwi ang kanyang mister, kalbo na rin si mister, nagulat si misis, bakit? Nagpakalbo ako para hindi lang ikaw ang mapapahiya dalawa tayo, Hindi ka mag-iiisa kasama mo ako kung pagtatawanan ka, pagtatawanan ako, kung magmumukha kang kaawa-awa magmumukha rin akong kaawa-awa. Maliit na kuwento yan pero parang ganyan ang ginawa ni Hesus hindi naman siya dapat maging tao at mamatay bilang kriminal pero niyakap niya para maging kapatid natin. A compassionate brother because he has experienced our weaknesses and our temptations, now he is a perfect brother who plead before the father, Not for himself but for us. That’s his perfection, a perfect son to the father and a perfect brother to all of us. Kaya tayo naligtas ang ating kapatid walang sawa naninikluhod sa ama para sa atin dahil nauunawaan niya ang maging tao. Iyan ang naganap, the greatest love, pag-ibig sa ama, pag-ibig sa atin. naganap na! naganap na, Kaya tayo naligtas, nakakalungkot na Biyernes pinakamalungkot na Biyernes subalit pinakabanal na Biyernes na hindi mapapantayan sa pag-ibg ni Hesus. Huwag po tayung maging tulad ni Pilato bagamat nakita na inossnte si Hesus hindi makapandinigan sa katotohanan tungkol kay Hesus, ipinagpalit si Hesus sa kanyang ambisyun, huwag po nating tutularan ang nabulagang mga punong pari, mga punong pari na nagtuturo tungkol sa Diyos pero ano ang isinigaw nila kay Pilato? Wala kaming hari kundi si Cesar hindi na ang Diyos ang kanilang hari maipapatay lang si Hesus, nakalimutan na pati ang Diyos. Ang hari na nila ngayon si Cesar! tularan si Maria hindi maputol ang kaniyang ugnayan sa kaniyang anak kahit sinisibat ang kanyang puso anak ko yan at kasama ni Hesus sinunod niya ang kalooban ng ama at naging ina nating lahat. Mamili tayo pilato ka? Punong pari ka? O Maria? Tumahimik po tayo sandali pasalamatan ang Diyos sa pamamagitan ni Hesus at kaniyang pag-ibig naganap na ! natupad na!