162 total views
Titiyakin ng Global Catholic Climate Movement – Pilipinas na sa kabila ng pagtatapos ng pagdiriwang ng Earth Day ay magpapatuloy ang mga inisyatibo ng kanilang grupo sa pagpapalaganap ng kaalaman sa tamang pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Father John Leydon – convenor ng grupo, patuloy ang pagbibigay ng GCCM-Pilipinas ng mga pag-aaral at pagtalakay sa Encyclical ni Pope Francis na Laudato Si sa pamamagitan ng symposium na “Deep Journey into Laudato Si.”
Naniniwala ang Pari na sa ganitong paraan ng pagtuturo sa mga Diyosesis, ay mas mapapabilis ang pagpapakalat ng impormasyon sa mga mamamayan patungkol sa kasalukuyang suliranin ng daigdig at ang dapat na pagtugon dito sangayon sa turo ni Pope Francis.
“We have a symposium called Deep journey into Laudato Si which is a combination of awakening the dreamer, changing the dream… What GCCM is doing is to develop this tapos giving training, last week nagbigay sa 7 teams galing sa 7 Diocese, mostly sa Sierra Madre. So yan ang balak natin we are trying to multiply yung capacity to give the message of Laudato Si in a powerful way na ang mga tao ay gumising magbabalik loob, kumilos.”pahayag ni Father Leydon sa Radyo Veritas.
Una nang nakapagdaos ng Deep Journey into Laudato Si symposium ang GCCM-Pilipinas sa pitong Diyosesis sa Luzon noong ika-10 hanggang 12 ng Abril sa Silang, Cavite.
Kabilang sa mga dumalo ang mga Diyosesis ng Gumaca, Lucena, San Pablo, Prelatura ng Infanta, Diyosesis ng Antipolo, San Jose Nueva Ecija at Diyosesis ng Cabanatuan.