142 total views
Positibo pa rin ang pagtingin ni Father Jose Tudd Belandres, Parish priest ng Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa Boracay Island, sa nalalapit na pagsasara sa isla dahil sa paglabag sa environmental laws.
Ayon sa pari, hindi ito itinuturing ng mga residente na “closure” at sa halip ay rehabilitasyon lamang para sa ikabubuti ng kanilang isla at para din sa kabutihang idudulot nito sa mamamayan.
“We are happy, we have to face this but actually we don’t call it closure but we call it rehabilitation, kasi hindi naman sya talaga isasara kundi aayusin para maging mabuti para sa lahat, para sa amin, ang Boracay, that’s how we address yung nangyayari sa amin dito sa Boracay.” Bahagi ng pahayag ni Father Belandres sa Radyo Veritas.
Gayunman, hindi pa rin nawawala ang pangamba ng pari dahil magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin malinaw na nailalatag sa kanila ang kongkretong plano ng pamahalaan sa gagawing rehabilitasyon sa Boracay.
Bukod dito, nakapagtataka din ayon kay Father Belandres na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin isinasailalim sa State of Calamity ang kanilang isla gayong ito ang unang inihayag ng pamahalaan.
Inilarawan pa ng pari ang kasalukuyang sitwasyon sa Boracay na tila isang “warzone” dahil sa dami ng mga pulis na nakadeploy at nakasuot pa ng ati-riot gear.
“Kahit ngayon, yung state of calamity ay hindi pa na declare, tapos yung concrete programs for the rehabilitation, although na mention naman ng aming governor yung maglilinis ng sewerage at yung demolition pa ng ibang mga resorts at saka yung situation nga ngayon dito parang warzone kasi ang daming mga pulis tapos naka anti-riot gear pa sila pero sa ibang program siguro sa gobyerno ay clear sa kanila pero hindi pa po nasabi sa amin.” Dagdag pa ni Father Belandres.
Sa kabila nito, tiniyak ni Father Belandres na magpapatuloy ang normal na gawain sa kanilang Parokya.
Aniya, hindi maaapektuhan ng pagpapasara sa isla ang mga Pastoral Works na inihahatid nito sa mga tao at tanging ang mga aktibidad lamang na magmumula sa labas ng isla ang nakansela.
Nagpapasalamat naman ang Pari sa pagsuporta ng Simbahang Katolika sa isla ng Boracay at sa Our Lady of the Most Rosary Parish.
Hiling ni Father Belandres ang patuloy na panalangin upang matagumpay na matapos ang rehabilitasyon sa Boracay at maibalik ang balanse ng kalikasan sa isla.