156 total views
Labis na ikinalungkot ni Sr. Patricia Fox, NDS ang pagpapawalang bisa ng Bureau of Immigration sa kanyang missionary visa ilang araw matapos siyang ikulong sa alegasyong pakikisangkot sa mga kilos protesta sa bansa.
Inaasahan ng Madre na magkakaroon pa ng pagdinig sa kinasasangkutan usapin bilang dayuhan sa bansa ngunit ikinagulat ang desisyong inilabas ng ahensya.
“Siyempre nalungkot ako nang marinig yan, pinakita sa akin may recommendation galing sa intelligence dahil sinabi nila misyonero dapat sa simbahan lang basically, pero malayo yan sa partikular. Tapos akala ko may hearing pa, may process pa hindi ko inasahan na agad may desisyon,” pahayag ni Sr. Pat sa Radio Veritas.
Sa pahayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang desisyon ay batay na rin sa resulta ng imbistigasyon ng ahensya na nagsasabing sumasali sa mga pagkilos si Sr. Pat laban sa pamahalaan.
Ayon sa Bureau of Immigration sang-ayon ito sa Philippine Immigration Law of 1940 kung saan may karapatan ang Commissioner ng ahensya na hilingin ang pag-aresto at pagpapadeport sa sinumang dayuhang nakikisangkot sa mga pagkilos laban sa pamahalaan.
Sa mahigit 27- taong pagmimisyon ni Sr. Pat sa bansa ay natutuhan nito ang simpleng pamumuhay ng mga mamamayan at hindi rin malilimutan ng madre ang pagmamahal ng mga Filipino lalo na ang pagbuhos ng suporta ng iba’t ibang sektor sa lipunan at ng simbahan nang madetine ito sa tanggapan ng Bureau of Immigration.
“Dahil matagal ako dito, marami akong kaibigan at marami akong natuto dito, paano, ano yung tunay na tao siguro, dahil simplicity, tapos itong dalawang linggo hindi ko inaasahan na maraming support sa mga taong simbahan, sa mga sektor, yan talaga ang isang hindi ko malimutan.” dagdag pa ng madre.
Itinuturing ni Atty. Robert Pahilga, abogado ni Sister Fox na kawalan ng “due process” ang pagkansela ng BI sa missionary visa ng Madre at agad na pagpapadeport dito.
Nilinaw ni Atty. Pahilga na ang agarang pagpapadeport sa Madre ng BI Intelligence Division ay taliwas sa kautusan ni BI Commissioner Jaime Morente kung saan binibigyan ang Australian nun ng 10-araw o hanggang ika-4 ng Mayo 2018 para magsubmit ng counter-affidavit at kasagutan sa alegasyong isa itong undesirable alien.
Iginiit ni Pahilga na ang akusasyon kay Sister Pat na “undesirable alien” ay walang basehan sa batas.
Tiniyak ni Pahilga na maghahain si Sister Pat ng Motion for Reconsideration laban sa kautusan ng BI.