243 total views
Umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission sa kasalukuyang Abbot of the Abbey of Our Lady of Montserrat Manila ng San Beda University na dating San Beda College kung saan nagtapos ng abogasya si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maging tagapamagitan sa kasalukuyang estado ng 71-taong gulang na Australian missionary-nun na si Sr. Patricia Fox.
Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes – Chairman ng kumisyon, sa pamamagitan ng isang liham ay kanyang ipinaabot sa kasalukuyang Abbot Chancellor ng San Beda University ang kanyang apela na pangunahan o ng iba pang abogado mula sa unibersidad ang paglilinaw kay Pangulong Duterte na hindi isang banta si Sr. Pat sa demokrasya ng bansa sa halip ay isang misyunero lamang na nagnanais na makatulong sa mga mahihirap.
Umaasa si Bishop Bastes na nawa ay magkaroon ng pagbabago sa desisyon ni Pangulong Duterte ang kanyang apela sa pamunuan ng unibersidad kung saan siya nagtapos ng abogasya.
“I have just mail a letter to the Abbot of San Beda College now Duterte is an Alumnus of San Beda College I wrote a letter to Fr. Abbot to intercede maybe not personally him, but an alumnus of San Beda College of College of Law to please go to Duterte to intercede, to explain that Sr. Pat, Sr. Patricia Fox is not a threat to our democracy but is even for the poor, so I wrote that so that is my contribution and because of that I hope that something will still happen…” pahayag ni Bishop Bastes sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinagdarasal ni Bishop Bastes na agad makarating sa kasalukuyang Abbot ng San Beda ang kanyang liham na ipinaabot sa pamamagitan ng isang abogado mula sa Sorsogon na kaibigan rin ni Sr. Pat at nagtapos rin ng abogasya sa San Beda University.
“I hope that it will reach in time, we pray that it will go immediately to the Abbot of San Beda” Dagdag pahayag ni Bishop Bastes.
Tuluyang kinansela ng Bureau of Immigration ang Missionary Visa ni Sr. Fox base sa Philippine Immigration Act of 1940-Section 9 na nagbabawal sa mga dayuhang misyonero na makisangkot sa anumang uri ng political activities sa bansa.
Binibigyan ng BI ng 30-araw ang 71-taong gulang na si Sr. Pat Fox upang makaalis ng bansa.
Dahil dito, umaasa si Bishop Bastes na agad na makatugon ang pamunuan ng San Beda University upang mabigyan ng tamang impormasyon si Pangulong Duterte sa adbokasiya at misyon ni Sr. Fox sa bansa na tanging paggabay at pagtulong lamang sa mga mahihirap na mga magsasaka at katutubo sa bansa ang tinutukan sa loob ng kanyang 27-taong pananatili sa Pilipinas.
Si Rt. Rev. Dom Austin Cadiz ng Order of St. Benedict ang kasalukuyang ika-walong Abbot ng Abbey of Our Lady of Monserrat, Manila na naitalaga noong Marso sa pangunguna ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ang Abbey of Our Lady of Monserrat ay isang Benedictine monastery ng mga kalalakihan na matatagpuan sa Mendiola Manila na itinatag ng mga Spanish Monks noong 1895.