179 total views
Inanyayahan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga mananampalataya na tangkilikin ang aklat nitong “Priests, Servants of Communion” na ilulunsad mamayang alas sais ng gabi sa Bahay Pari San Carlos Formation Complex, Guadalupe Viejo, Makati City.
Pagbabahagi ng Obispo, ang aklat ay tumatalakay sa kahalagahan ng mga Pari sa pagbuo ng Simbahan at ng komunidad na kumakatawan dito.
Ito ay patungkol sa “Communion of Communities” o kaisahan ng mga komunidad at sa natatanging gampanin ng mga Pari, Relihiyoso at Relihiyosa ngayong “Year of the Clergy and the Religious”.
Dagdag pa ni Bishop Bacani, layunin ng aklat na ito na palawakin ang kaalaman ng mga mananampalataya sa pangunahing plano ng Panginoon na pagkakaroon ng “Universal Communion o ang kaisahan ng lahat ng bagay.
“Itong i-lau-launch na book ang title nya ay “Priests Servants of Communion” at ito ay tungkol sa unang-una sa plano ng Diyos na kung tawagin ay universal communion, ang kaisahan ng lahat sa Panginoon. Kaisahan ng lahat ng bagay, pakikiisa ng tao sa Diyos, pakikiisa ng tao sa isa’t-isa, pakikiisa ng tao sa mundong nilalang ng Diyos…” “Ito’y related sa Year of the Parish as Communion of Communities, at Year of the Clergy and Consecrated Persons. Yang dalawang yan, pinagsama ko sa isang maliit na aklat.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani Sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, hinihimok ng Obispo ang mga mananampalataya na tangkilikin ang aklat na mabibili sa mga St. Paul Bookstores, upang mapalalim ang kanilang pag-unawa sa plano ng Panginoon sa sangkatauhan at matulungan ang mga Pari at Consecrated Persons sa kanilang sinumpaang tungkulin sa Panginoon.
Samantala, naging halimbawa naman sa tinutukoy ng Obispo na pagbuo sa mga komunidad at pagiging kaisa ng lahat ng bagay ang ginagawang paglilingkod ng Misyonerong si Sr. Patricia Fox, NDS, sa mga katutubo at mga mahihirap na mga Filipino.
Sinabi ng Obispo na labis na nakalulungkot ang pagbawi ng Bureau of Immigration sa Missionary Visa ni Sr. Fox, na magiging dahilan upang tuluyan na nitong lisanin ang Pilipinas matapos ang 27 taong paglilingkod sa bansa.
“Ang ginagawa nya sinisikap nya na mangyari na wala sanang mapuwera, maisantabi o mabalewala na hindi makasali sa mga benepisyo ng mga iilan lamang dito sa ating lipunan. That’s part of the game para sa lahat ng mga misyonero, dahil nga sa kanilang pagtatanggol sa dangal ng tao, ay sila rin ay napagkakamalan na nakikialam sa Pulitika. E panong hindi ka naman makikialam kapag dangal ng tao ang naisasantabi lalo’t kung ito’y niyuyurakan at hindi binibigyan ng kaukulang paggalang” pahayag ni Bishop Bacani.
Dagdag pa ni Bishop Bacani, dahil sa hakbang na ito ng Bureau of Immigration ay nagmistulang kaawa-awa at kahabag-habag ang pamahalaan dahil tila labis nitong kinatatakutan ang matandang misyonerong babae.
“Isang madre yan na matanda, kung katatakutan ng gobyerno yan masyado namang nakakaawa itong gobyerno natin. Kahabag-habag naman itong gobyerno natin, kinatatakutan ang isang madre.” Pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.