145 total views
Nakiisa ang Caritas Internationalis sa 35 mga katolikong institusyon sa buong mundo na nag-divest mula sa fossil fuels kasunod ng nakaraang pagdiriwang ng Earth Day.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Pangulo ng Caritas Internationalis, ang mga mahihirap ang pangunahing nagdurusa dahil sa epekto ng climate change na tumitindi dahil sa polusyong nagmumula sa paggamit ng mga fossil fuels.
Dahil dito sinabi ng Cardinal na bilang isang katolikong organisasyon na ang pangunahing mandato ay kalingain ang mga mahihirap ay napagpasyahan ng Caritas Internationalis na alisin na ang kanilang investments mula sa fossil fuels.
“The poor are suffering greatly from the climate crisis and fossil fuels are among the main drivers of this injustice. That is why Caritas Internationalis has decided not to invest in fossil fuels anymore.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Sa ganitong paraan, naniniwala si Cardinal Tagle, na natutugunan ng simbahan ang isa sa pangunahing mga ugat ng kahirapan sa buong mundo.
Labis naman ang naging pasasalamat ni Tomas Insua – Executive Director ng Global Catholic Climate Movement sa pagsuportang ito na nagmula sa Vatican.
Ayon kay Insua, walang mga sandaling dapat na masayang pagdating sa usapin ng pagprotekta sa daigdig na natatangi nating tahanan.
Dagdag pa niya ang pag-divest na ito ng mga institusyon ay nagpapakita lamang ng kongkretong aksyon sa pagmamahal na ipinamamalas ng simbahang katolika sa kalikasan.
“When it comes to protecting our common home, we have not a moment to lose.Divesting from fossil fuels puts love into action, bending the arc of emissions downward to protect our sisters and brothers around the world.” Bahagi ng pahayag ni Insua.
Dahil dito, hinimok rin ni Insua ang iba pang mga mananampalataya, institusyon at Catholic Organizations na ipamalas din ang kanilang pagmamahal sa sanilikha at isabuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagprotekta sa lahat ng nilalang ng Panginoon.
Matatandaang noong 2017 ay 40 mga katolikong institusyon, at maging mga Diyosesis at Arkidiyosesis ang una nang nag-divest mula sa fossil fuels.