230 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na patuloy na mananaig ang diplomasya at pag-uusap sa pagitan ng Kuwait at pamahalaan ng Pilipinas.
Ito ang panalangin ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kaugnay sa pagpapa-deport ng Kuwait kay Ambassador Renato Villa at ideklarang ‘persona non grata’ dahil sa pagtulong nito sa ilang mga distressed Filipino’s sa nasabing bansa.
“It is our hope and prayers that MOU will not be affected, that everything will be settled peacefully and amicably. Diplomacy and dialogues should continue and must prevail, not emotions and rush judgment,” ayon sa pahayag ni Bishop Santos.
Base sa ulat ng Kuwait Foreign Ministry, nilabag ni Villa ang panuntunan ng Kuwait nang tulungan nitong tumakas ang ilang Filipina domestic helpers mula sa kanilang employer base sa 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Nakatakda sanang lagdaan ang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng bansa at Kuwait kasunod na rin ng ban deployment na ipinatupad ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa insidente ng pang-aabuso sa mga Filipino, kabilang na dito ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang OFW sa loob ng freezer.
Una na ring nag-alok ng repatriation program ang Pilipinas para sa mga manggagawang Filipino sa Kuwait na nais nang umuwi ng bansa kasunod ng ipinatupad na deployment ban.
Kabilang na rin sa sumailalim sa programa ang may 2,000 undocumented Filipino workers.
Sa tala umaabot sa 260 libo ang mga Filipino sa Kuwait kabilang na dito ang 170 mga domestic helpers kung saan higit sa 10,000 ang undocumented.
Una na ring sinuportahan ni Bishop Santos ang hakbang na ‘deployment ban’ ng pamahalaan at pagpapauwi sa mga Filipino sa Kuwait dahil sa karahasan at pang-aabuso kasabay na rin ng panawagan ng tulong at trabaho para sa mga manggagawang maapektuhan.