359 total views
Mariing kinokondena ng Archdiocese of Tuguegarao ang ginawang pagpaslang kay Father Mark Anthony Ventura.
Ayon kay Father Augustus Calubaquib – Social Action Director ng Archdiocese of Tuguegarao, si Father Ventura ang Priest in-charge sa Peńa Weste, Gattaran, at wala pa itong Barangay Chapel kaya’t isinasagawa ang mga banal na Misa sa Peńa Weste Elem. School Gymnasium, Peńa Weste, Gattaran,Cagayan.
Pagbabahagi ni Father Calubaquib, katatapos lamang ng banal na misa ni Father Ventura kaninang umaga, at binabasbasan nito ang mga bata at kinakausap ang mga choir members nang bigla siyang barilin nang dawalang beses ng isang lalaking naka helmet.
“According to the reports, he just finished, mass and baptism, I think, tapos he was blessing the kids and he was talking to choir members kaya naka liturgical vestment pa sya, and then somebody walked dun sa likod nya sa gym, kasi wala pa silang Barangay Chapel doon sa baryo, dun sa gym naglakad sa likod, naka helmet and he shot Father Mark twice.” Bahagi ng pahayag ni Father Calubaquib.
Sinabi ni Father Calubaquib na hindi malinaw para sa kanila ang motibo ng pagpatay kay Father Ventura, dahil wala silang maisip na ibang dahilan upang paslangin ang pari.
Kaugnay dito, nananawagan din ang pari sa autoridad para sa isang masusing imbestigasyon upang madakip at mabigyang katarungan ang marahas na pagpaslang kay Father Ventura.
Naniniwala si Father Calubaquib na kung maaari itong gawin sa isang pari, ay lalo pa sa maliliit na tao sa lipunan, kaya naman labis ang kanilang pagnanais na mapanagot ang nagkasala.
Inaasahan rin na maglalabas ng opisyal na pahayag ang Archdiocese of Tuguegarao kaugnay sa pangyayari.
“We will be coming out with a statement but we strongly condemn what happened to Fr. Mark because if the man who is liturgically vested would be killed in an open day light, e how much more to people na sabihin nating of lower stature than a priest. We condemn the killings at the same time we would like to ask the upper echelon of the NBI and the PNP to conduct a thorough investigation of the matter kase we rely on their investigation, kase sila naman ang may kakayahan at may responsibilidad na gumawa nito. So as much as possible we would like to ask them to make the thorough investigation to the matter.” Dagdag pa ni Father Calubaquib.
Ayon kay Father Calubaquib, si Father Ventura ay wala pang sampung taon sa pagkapari.
Bago ito maitalaga sa Gattaran, naging in-charge si Father Ventura sa Social Apostolate on Migrants, Director ng Mission Office under ng Commission on Worship, at Assistant Chairman ng Commission on Seminaries and Vocation sa Archdiocese of Tuguegarao.