287 total views
Harapin ang paggawa at ang mga suliraning kaakibat nito sa pamamagitan ng komprehensibong pamamaraan.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Inihayag ng Kardinal ang ilan sa mga suliranin ng mga manggagawa na kakapusan ng trabaho, hindi pagtutugma ng kakayahan ng manggagawa sa trabahong ginagawa, ang kawalan ng seguridad at ang pagsasamantala.
Aniya dahil sa mga ito ay nasisira ang buhay ng mga manggagawa at ng kanilang pamilya, na nagiging dahilan upang lumala ang antas ng kahirapan at di pag-kakapantay-pantay sa lipunan.
“Palagiang kinikilala at pinahahayag ng Simbahan na mahalagang bahagi ng buhay at paglago ng tao ang paggawa. Sa pamamagitan ng paggawa nakikibahagi tayo sa malikhaing pagkilos ng Diyos. Isang pundamental na karapatan ng bawat tao.” Bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Bukod dito, sinabi ng Kardinal na ang paggawa o pagtatrabaho ay hindi lamang para sa ekonomiya o sa pagkita ng salapi dahil ito ay bahagi ng paglago ng mga tao, pamilya at lipunan sa larangan ng kultura at moralidad.
Aniya kung matitignan lamang ang aspetong ito bilang pundamental na bahagi ng pagkatao at karapatan ng isang indibidwal ay magkakaroon ng maayos na kondisyon ang paggawa.
“Hindi ito dapat tingnan bilang usaping pinansyal o pang ekomomiya lamang. Ang paggawa ay hindi lamang tungkol sa natapos na trabaho, o kalakal na nabuo at handang ibenta, o tubong pinansyal na naabot na. Ang paggawa ay tungkol sa tao at kung ano ang nagyayari sa kanya: ang makislot na paiisip ang noong pinapawisan ang nabaling kamay, ang nangangalay na likod, ang kumukulong sikmura, ang nangangambang puso, ang masigasig na kalooban, ang mga pangarap na abot tanaw na.” dagdag pa ni Kardinal Tagle.
Naniniwala din si Kardinal Tagle na kung mananaig ang pangkalahatang kabutihan, pagkakapantay-pantay at pagdadamayan, ay sama-samang malalampasan ng mga Filipino ang lahat ng suliranin sa larangan ng paggawa, at mananaig sa industriyang ito ang katarungang panlipunan, paggalang at pagmamahal.
Narito ang kabuuan ng Mensahe ni Cardinal Tagle: