237 total views
Nagpaabot ng panalangin at pakikiisa si Diocese of San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa paghahanap ng katarungan sa pagpatay kay Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao matapos ang kanyang misa sa Brgy. Peña Weste, Gattaran Cagayan.
Inihayag ni Bishop Mallari, kaisa at buo ang suporta ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education at ng Diocese of San Jose Nueva Ecija sa paghahanap ng katarungan sa pagkamatay ni Fr. Ventura.
Ayon kay Bishop Mallari, tulad ng mithiin ng Diocese of San Jose na mabigyang katarungan ang marahas na pagpatay kay Fr. Marcelito Paez na binaril rin ng hindi pa nakikilalang salarin noong nakalipas na taon ay gayundin ang kanilang panalangin sa sinapit ni Fr. Ventura.
Dahil dito, muling nanawagan si Bishop Mallari hindi lamang sa Philippine National Police kundi sa mamamayan na magtulong-tulong upang mabigyang katarungan ang brutal na pagkamatay ng dalawang Pari.
“Kaisa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at gayundin po yung diocese namin, kung papaano kami naghahanap ng hustisya para kay Fr. Tito ganundin yung minimithi natin dito sa pangyayari kay Fr. Mark Ventura sana po yung mga kinauukulan, yung lahat po ng puwedeng magkasama-sama para magtulong-tulong para po makita natin yung hustisya para kay Father Mark, napakahalaga po na sa mga sitwasyon na ganito ay lalo tayong nagkakaisa at nagtutulungan…” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag rin ni Bishop Mallari ang lubos na pagkadismaya sa kawalan na ng takot sa Panginoon ng mga salarin na pumatay kay Fr. Ventura na sa harap ng mga taong nakibahagi sa kanyang pinangunahang banal na misa.
“Nakalulungkot talaga ng husto kasi yun nga parang wala ng takot sa Diyos at saka hindi inalintana yung mga taong nandun sa paligid…” saad ni Bishop Mallari.
Kaugnay nito, naunang inilunsad ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija kaisa ang ilang Human Rights group noong ika-9 ng Abril ang “Justice for Father Marcelito Paez Movement” upang isulong ang katarungan sa pagkamatay ni Fr. Marcelito Paez at mawakasan na ang anumang uri ng karahasan dulot ng politikal at religious persecution.
Sa tala ng ecumenical lay group na Promotion of Church People’s Response mula noong taong 2000 ay nasa 30 church workers na ang napaslang sa buong bansa.
Sa tala naman ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) mula Marcos hanggang PNoy Administration ay 13-Pari na ang napaslang sa buong bansa bukod pa dito pagkakapaslang kina Fr Fausto Tentorio noong 2011; Father Marcelito Paez noong Disyembre ng nakalipas na taong 2017 at ang pinakahuling biktima ay Fr. Ventura.