358 total views
Pinangunahan ni Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang misa para sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng Our Lady of Mt. Carmel sa Quirino Grandstand.
Sa pagninililay ni Arcbishop Valles, hinikayat nito ang bawat isa na higit pang paigtingin ang debosyon sa Mahal na Ina na siyang ating laging sandigan.
Nagpahayag naman ng pakikiisa sa pagdiriwang si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa Agustino Recoletos na siyang nangangalaga sa Inang Maria ng Carmel sa Dambana ng San Sebastian.
Ayon kay Cardinal Tagle, nawa sa muling pagsasabuhay ng pagdaong ng imahe ng Mahal na Ina ng Carmel, isabuhay natin ang diwa ng Carmel sa puso at buhay ng Inang Maria.
“Sa mundong maingay at ayaw makinig sa hikbi ng tap lalo nan g dukha, ibalik ang Carmel. Sa mundong sumasamba sa mga huwad na Diyos, bumalik tayo sa Carmel,” ayon sa mensahe ni Cardinal Tagle.
Ayon sa ipinadalang pahayag ni Cardinal Tagle; “Sana tumahimik ang mga baril at pagtangis at mapalitan ng katahimikang dulot ng totoong kapayapaan. Sa mundong sinisira ng mga huwad na dios, likhain nawa tayong lahat ng Diyos na nagbibigay ng buhay.”
Ang Mt. Carmel ay isang lugar na matatagpuan sa Israel na ayon sa Biblia ay isang lugar ng panalangin kung saan ang tunay na Diyos ay ipinakilala ng mga propeta.
“Itong dalawang katangian ng Mt. Carmel ay nakikita natin kay Maria: pusong laging kaugnay ng Dios sa pakikinig sa Salita ng Diyos, pagninilay rito, at pagsasagawa nito,” ayon sa pahayag ni Cardinal Tagle.
Noong nakalipas na taon ay ginawaran ng Sacred Penitentiary of the Church sa Vatican ang pagtanggap ng plenary indulgence sa mga mananampalataya na makikiisa sa buong taong pagdiriwang mula July 2017 hanggang July 2018.
Upang makamit ang indulhensya ang mga mananampalataya ay hinihikayat na mangumpisal, tumanggap ng komunyon at ipagdasal ang prayer intention ng Santo Papa bukod sa pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-apat na sentenaryo ng Our Lady of Mt Carmel sa pagdiriwang ng buong taon.
Sa buwan ng Mayo —pangunahing panalangin ng Santo Papa Francisco na nawa ang mga layko ay gamitin ang kanilang kakayahan na harapin ang mga kasalukuyang pagsubok na kinakaharap.
Sa kasaysayan dumating ng imahen sa Pilipinas mula sa Mexico noong 1618 at nagsilbing nitong luklukan ang Dambana ng San Sebastian simula 1621.
Pinangunahan naman ni Agustinian Recollect Provincial Superior Rev. Fr. Dionsio Selma, OAR ang muling pagluluklok ng imahe sa simbahan San Sebastian matapos ang traslacion mula sa Quirino Grandstand.