179 total views
Umaasa ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na sisikaping ayusin at tiyakin ng Commission on Elections ang seguridad sa kabuuang sistema ng kumisyon partikular na sa nalalapit na halalan matapos ang naganap na hacking sa kanilang website.
Inihayag ni PPCRV Chairperson Henrietta de Villa na matapos ang naganap na hacking sa website ng COMELEC ay kinakailangang tiyakin ng kumisyon na mayroong sapat na safety-guards ang mga gagamiting sistema sa halalan upang maibalik ang kumpyansa at tiwala ng taumbayan sa nakatakdang halalan.
“Kailangan magandang pagkakataon din yan na kailangan talaga yung may safeguards ay doblehin natin para wala nang mangyaring ganito lalo na eh katatapos lang nung Bangladesh at saka Federal Bank of New York yung mga ganun, parang lalo tuloy mag-aalala ka, kaya kailangan ang COMELEC mag-double time para maibalik ang kumpyansa ng mga tao sa darating na halalan…”pahayag ni de Villa sa panayam sa Radio Veritas
Linggo ng gabi, ika-27 ng Marso ng ma-hacked ng grupong “Anonymous Philippines” ang opisyal na website ng COMELEC, kung saan tanging makikita ang iniwang mensahe ng grupo kaugnay sa puspusang pagbabantay sa pagtutupad ng COMELEC sa mga safety guards na nasasaad sa batas hinggil sa Automated Elections upang tunay na magkaroon ng tapat na halalan.
Batay nga sa itinakda ng Republic Act (RA) 939 o Automated Election Law nararapat na magkaroon ng safety features ang balota at ang makinaryang gagamitin sa Automated Election partikular na ang ballot verification o ultra violet detectors, source code review, voter verified paper audit trail at digital signature ng sinumang mangangasiwa sa halalan.