268 total views
Kinuwestiyon ni NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Fr. Edu Gariguez ang pagpapalabas ng Department of Budget and Management o DBM ng P24.7 bilyong pisong pondo para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas sa kalagitnaan ng election period.
Ayon kay Father Gariguez, ito na ang kanilang pinangangambahang hakbang ng gobyerno kung saan ang pondo na para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Yolanda noong taong 2013 ay magamit sa pampulitikal na interes ng mga kandidato ngayong halalan.
Iginiit ni Father Gariguez na dalawang taon nang iniipit ng administrasyon ng Pangulong Benigno Aquino III ang multi-bilyong pisong pondo para sa recovery and rehabilitation ng mga Yolanda survivors na biglang ini-release ng DBM mahigit isang buwan bago ang pambansang halalan sa ika-9 ng Mayo 2016.
Duda ang pari sa timing ng pagpapalabas ng pondo na magagamit lamang ng mga pulitiko partikular na ng mga kasapi ng administration party.
“Mabuti kasi maraming pera pero iyon ang timing na aming sinasabi.Kailangan ba mag-eleksyon para ilabas ang pera? hindi naman sana ganun, dapat yun kara-karakang tugon ay gawin ng pamahalaan dahil maraming nangangailangan huwag na hintayin ang eleksyon meron naman pala ganun kalaking pera bakit hindi gamitin at tugunan ang pangangailangan ng mga tao. Ang nakakalungkot pa kung magamit ng mga pulitiko itong pondo na nakalaan para sa mga nangangailangan hindi maganda”. dismayadong pahayag ni Father Gariguez sa panayam ng Radio Veritas
Kinondena din ng Pari ang paggamit ng ilang pulitiko sa mga mahihirap at mga naapektuhan ng kalamidad sa kanilang kampanya.
Binigyan diin ni Father Gariguez na hindi magandang sasabihin na nakapa-super hero ng administrasyong Aquino dahil alam ng taumbayan na hindi totoo dahil napakalaki ng pagkukulang ng pamahalaan sa pagtungon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
“Hindi maganda at lalo’t higit kung sasabihin mo pa na napaka super hero ng pamahalaan dahil doon sa ginawa nilang pagsaklolo sa Yolanda na alam naman natin hindi totoo. Malaki ang pagkukulang, yung pera hindi nila agad kara-karakang napondoha. Ang laki ng pagkukulang ng pamahalaan kaya siguro kung aangkinin mo yun napakalaking kabayanihan. Tatawanan tayo magagalit lang ang mga tao. Sabi ko katawa-tawa at hindi dapat gamitin ito sa pamumulitika dahil ang kawawa dito yung mga taong naagrabyado tapos gagamitin mo pa sa pulitika, hindi ito tama. Hindi naman sa pumapanig tayo sa kung sinong kandidato pero dapat ituwid kung ano yun mali huwag natin gamitin yung Yolanda at yun pag-claim sa kabayanihan lalo na’t alam natin na hindi totoo’.pahayag ni Father Gariguez
Naninindigan ang pari na alam ng mga Yolanda survivors na walang ginawa ang pamahalaan para sila ay tulungan na makabangon sa dinanas na trahedya.
Magugunitang Nobyembre ng taong 2013 ng manalasa ang bagyong Yolanda sa Visayas Region kung saan aabot sa mahigit anim na libong tao ang nasawi at mahigit 2.86 na bilyong dolyar na halaga ng pinsala.