244 total views
Nanawagan ang Ecowaste Coalition sa mga kakandidato ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na bawasan ang kanilang malilikhang mga basura sa pangangampanya.
Iginiit ni Daniel Alejandre – Zero waste campaigner ng grupo, na bilang mga nagnanais na mamuno sa lokal na pamahalaan, kinakailangan silang maging mga mabuting ehemplo sa mamamayan, pagdating sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Alejandre, ilan sa mga dapat tandaan sa pangangampanya ay ang pagbabawas ng mga papel bilang campaign paraphernalias, hindi paglalagay o pagpapako ng mga posters sa mga puno, at pagpupulot ng sarili nilang mga leaflets na karaniwang nagkakalat sa daan.
“Ayaw natin na yung mga poster materials ay ipinapako sa mga puno, lalong-lalo na sa mga prohibited places, at syempre sana yung mga campaign materials na inilalabas most specially yung mga papers, fliers, posters, sana after election, dapat yan ay kinokolekta nila at binabalik sa mga recyclers ng papel.” pahayag ni Alejandre sa Radyo Veritas.
Noong 2016 National Elections umabot sa 187 truck ng basurang mga campaign materials ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority.
Karamihan dito ay mga poster ng local at national candidates, leaflets at mga tarpaulin.
Umaasa naman ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV na sa pamamagitan ng kampanyang ito para sa kalikasan ay magmumula sa Barangay na itinuturing na pinakamaliit na yunit ng pamamahala sa bansa ang pagbabagong matagal ng hinahangad ng mga mamamayan.