298 total views
Nanindigan ang CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa pagsisilbi at pagbibigay suporta sa mga mahihirap at mga inaapi sa lipunan sa kabila ng banta ng panunupil ng pamahalaan.
Iginiit ni Rev. Fr. Edu Gariguez – Executive Secretary of CBCP-NASSA / Caritas Philippines na hindi kailanman matatakot ang anumang institusyon ng Simbahan na manindigan sa pagtulong at pagiging boses ng mga maliliit at naisasantabi sa lipunan bilang makapropetang tungkulin ng bawat Katoliko’t Kristyano.
“Hindi po kami matatakot patuloy kaming maninindigan na kahit na kami ay sinusupil ng pamahalaan ay patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin, maka-propetang tungkulin upang magsalita para sa mga mahihirap at para sa mga inaapi…” pahayag ni Rev. Fr. Edu Gariguez sa Radyo Veritas.
Ilang linggo matapos tuluyang kanselahin ng Bureau of Immigration ang Missionary Visa ng 71-taong gulang na si Sr. Patricia Fox dahil sa alegasyong pakikisangkot sa partisan politics ay ikinabigla ng Simbahang Katolika ang pagpaslang kay Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao na binaril na hindi pa nakikilalang salarin matapos ang pinangunahang misa sa Brgy. Peña Weste, Gattaran Cagayan.
Dahil dito, binigyang diin ni Fr. Gariguez na kinakailangang maintindihan ng pamahalaan na ang pagpanig at pagtulong sa mga mahihirap at mga naisasantabi sa lipunan ay bahagi ng prophetic mission ng mga Katoliko’t Kristyano mapa-Filipino man o anumang nasyonalidad tulad ng mga dayuhan na nakikisimpatya sa mga usaping panlipunan sa Pilipinas.
Paliwanag pa ni Fr. Gariguez, maaaring maituring na may bahid ng pulitika ang mga usaping panlipunan na kinukundina at kinasasangkutan ng mga magsasaka, katutubo at mga manggagawang sinusuportahan ni Fr. Ventura at ni Sr. Fox ay hindi ito dapat na ituring na partisan politics sa halip ay bahagi ng moral at maka-Katolikong na tungkulin na nararapat gawin ng isang tunay na Kristyano’t Katoliko.
“May mga ibang legalidad na yan dyan sa deportation nayan, pero nakakahiya tayo na parang sinasabi natin na yung sa isang banda ito ay isang uri ng political pero may kasama ditong moral na paninindigan kasi yung pagpanig natin sa mga issue ng mga mahihirap at pagtuligsa sa mga maling nangyayari ay bahagi yun ng ating pananampalataya, hindi yun purely political, yun ay moral and lay ministerial, bahagi ng ating prophetic mission, yun ang kinakailangang maintindihan ng gobyernong ito…” pahayag ni Father Gariguez.
Naunang binigyang diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission na ang naturang pagsusulong at pagtatanggol sa mga naaapi sa lipunan ay isang tungkuling dapat na gampanan ng bawat Kristyano sa kabila ng anumang nasyonalidad na tinataglay ng bawat isa.