187 total views
Hinihikayat ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Filipino na isabuhay ang ating pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pakikiisa at pagtulong sa ating kapwa.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity kabilang sa panawagan ng ating pananampataya sa Diyos ay ang pagsusulong ng panlipunang katarungan.
Ito ay kaugnay na rin sa lumabas na pag-aaral ng Gallup International noong 2017 mula sa sa may 68 bansa.
Sa tala pang-lima ang Pilipinas sa mga bansang pinaka-relihiyoso na nakakuha ng 90 percent; kung saan nangunguna ang Thailand na may 98 percent; pangalawa ang Nigeria 97 percent; sunod ang Kosovo, India, Ghana, Ivory Cost at Papua New Guinea 94 percent; ang Fiji at Armenia na 92 percent.
“Pero kung ang ibig sabihin ng relihiyoso na manindigan sa karapatan ng bayan kasi yan din ang sinabi ng Diyos he wants justice para tulong sa mahihirap may malaking pagkukulang pa rin tayo diyan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Iginiit Obispo na marami pa rin sa mga nagsisimba ay hindi naninindigan para sa mahihirap.
Base rin sa pag-aaral, 83 percent ng mga respondent na mababa ang pinag-aralan, at 66 percent din sa mga ito ay ‘low income earners’.
Ayon sa Obispo, may mga mayayaman at matataas ang pinag-aralan ang naniniwalang hindi na kailangan ang Diyos habang ang mga mahihirap at kapos sa pag-aaral ay tanging umaasa sa awa at kalinga ng Diyos.
“Yung mga mahihirap na wala nang pagkakapitan ay kumakapit sa Diyos. At nakikita din natin hindi lamang sa Pilipinas kahit na sa Europa nung sila ay nasa kahirapan ay talagang madasalin din sila at ng umangat sila nakalimutan na nila ang Diyos,” ayon sa obispo.
Sa isang mensahe ni Pope Francis sa Vatican, binigyan diin nito na ang pagkalinga sa mga dukha ay pagpapahayag ng tunay na pananampalataya.
Sinabi ng Santo Papa Francisco na ang tunay na kristiyano ay mayamaman sa pananampalataya, sa salita, kaalaman at sigasig- na mula sa turo ni Hesus na siyang dapat ay ibinabahagi sa ating kapwa.