182 total views
Mga Kapanalig, kasama po ba ang kasalukuyang kapitan o kagawad ng inyong barangay sa inilabas na narco list noong isang linggo ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA?
Ilang araw bago ang barangay elections ngayong Lunes, isinapubliko ng PDEA ang pangalan ng 207 kapitan at kagawad na di-umano’y sangkot sa iligal na droga. Nanindigan ang direktor ng PDEA na tama at totoo ang impormasyong inilabas ng kanyang opisina, at may mga ebidensiya raw sila upang patunayan ang pagkakasangkot ng mga nasa listahan. Bineripika pa nga raw ang listahan ng iba’t ibang ahensya katulad ng PNP.
Hindi pa rin napigilan ang ilang kuwestyunin ang listahan. Halimbawa, isang taon nang pumanaw ang isang kagawad sa listahan. May ilan sa listahang umalma dahil sila nga raw mismo ang nangunguna sa kampanya kontra droga sa kanilang barangay. Para sa Commission on Human Rights, nagsampa dapat muna ng kaso ang PDEA bago inilabas ang mga pangalan bilang pagkilala sa karapatan ng mga inaakusahan sa due process at presumption of innocence. Handa naman daw ang PDEA na magsampa ng mga kaso laban sa mga nasa listahan, ngunit minabuti raw nitong isapubliko ang mga pangalan upang gabayan ang mga botante na huwag nang muling iluklok sa darating na eleksyon ang mga di-umano’y sangkot sa droga.
Hindi na nga dapat muling mailagay sa puwesto ang mga opisyal na totoong sangkot sa pagbebenta at paggamit ng iligal na droga. Makatutulong ding malaman at makilala ng mga botante kung sinu-sino sa mga namumuno ng kanilang barangay ang sangkot sa ilegal na gawain. Ngunit hindi sapat na dahilan ang mga ito upang balewalain ang tama at patas na proseso ng paghahanap at paglalantad ng katotohanan.
May ilang seryosong implikasyon ang ginawang ito ng PDEA.
Una, paano kung lumabas na kulang o wala palang ebidensya upang makasuhan ang mga sinasabing narco-politicians? Sa pagkakasama ng kanilang pangalan sa narco list, nadungisan na ang kanilang integridad at napahiya pa ang kanilang pamilya.
Pangalawa, paano kung nahaluan ng pulitika ang paglilista ng mga pangalan, lalo pa’t panahon ngayon ng eleksyon? Hindi po sa minamaliit natin ang kakayahan ng PDEA na mag-imbestiga, ngunit isaalang-alang natin ang kasalukuyang konteksto.
Panghuli, matatapos ba ang problema natin sa ilegal na droga sa pagsasapubliko ng mga pangalan? Malaking hakbang kung malilinis natin ang mga barangay sa pag-uumpisa mismo sa mga opisyal natin, ngunit dapat nating gamitin ang ating mga batas at prosesong pangkatarungan upang mapanagot ang mga mapatutunayang sangkot sa droga.
Gayunman, hindi tayo aabot sa pagpapahiya ng mga taong hindi pa napatutunayang sangkot sa droga kung tayo mismong mga botante ay naging mapanuri sa mga taong iniluklok natin sa pamahalaan. (At hindi lamang po sa ating barangay makikita ang pagkukulang na ito kundi pati sa mga iniluluklok natin sa pambansang posisyon.)
Sabi nga sa panlipunang turo ng Simbahan, epektibong pamamaraan ng social control ang halalan; ibig sabihin, nasa kamay nating mga botante ang kapangyarihang papanagutin ang mga naglilingkod sa bayan, at kung hindi natin nakikitang karapat-dapat ang mga lider natin—dahil gumagawa sila ng mali—maaari natin silang palitan gamit ang ating balota. Nakalulungkot nga lamang na nangingibabaw pa rin sa ating political culture o kultura ng pulitika ang pagkapit ng marami sa mga padrino at pagtanaw ng utang na loob sa mga lider, kahit pa sangkot ang mga ito sa maling gawain.
Mga Kapanalig, sintomas ang paglalabas ng isang narco list ng maraming mali sa ating kulturang pampulitika. May mali sa mga ahensyang hindi sumusunod sa proseso, may mali sa ating mga pumipili ng mga tiwaling lider. Sa Lunes, may pagkakataon tayong baguhin ito sa ating mga barangay nang sa gayon, hindi na natin kailangan ang isang narco list.
Sumainyo ang katotohanan.