195 total views
Masigla at labis pananabik na sinalubong ng mga mananampalataya ng Marawi City ang pag-uwi ng kanilang patrona ang Maria Auxiliadora ng Marawi.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, dumating sa lungsod mula sa Maynila ang life sized replica ng Maria Auxiliadora noong May 5, napapanahon para sa nakatakdang pagdiriwang ng kapistahan ng lungsod sa May 24.
“Kitang kita mo talaga yung pangungulila nila sa Mahal na Birhen at kagalakan na nakabalik din siya. Although replica lang ito nung unang imahe na pinugutan.” pahayag ni Bishop dela Pena
Sa San Tomas de Villanueva nakaluklok ang imahe na siyang pansamantalang tirahan at katedral ng prelatura.
Ang replica image ay donasyon mula sa mga deboto ng Mary Help of Christians na mula sa Manila ay inihatid ito sa Marawi.
Ito rin ang parehong imahe na dumalaw sa Radio Veritas Chapel noong January 2018.
Pugot na imahe ng Birheng Maria
Ang nasirang imahe ng Mahal na Birhen ayon sa obispo ay dinala sa Aid to Church in Need sa Munchen, Germany na siyang kumakatawan sa naranasang pag-uusig at karahasan sa Marawi City.
“Isinasali Siya permanent exhibit of structures for memorabilia of churches that have endured the persecution, persecuted Christians. Si Maria Auxiliadora yung nasirang imahen siya ang kumakatawan dito kung ano ang persecution na dinanas ng mga Christians dito sa Marawi. Persecution of Christians in Marawi siya ang kumakatawan doon together yung dun galing sa Iraq, galing sa Syria, galing sa Nigeria, Pakistan. Yung mga churches na talagang pine-persecute. Ayun ang ating contribution,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Ang ACN na may 25 sangay sa buong mundo ay isang organisasyon na siyang tumutulong sa mga inuusig dahil sa kanilang pananampalataya hindi lamang sa mga Kristyano.
Nasirang Katedral
Bagama’t wala pang katiyakan kung kailan maipapagawa ang katedral sa Marawi, sinabi ni Bishop Dela Peña na balak nilang manatili ang ilang bahagi ng nasirang simbahan bilang alaala.
“It will not come too soon, very soon dahil magkakaroon pa ng, anong tawag doon… leveling of the ground. Lahat ng mga istruktura sa ‘ground zero ay papatagin. So kasama na rin yung aming cathedral, sabi namin nag-usap usap kami na we would rather keep the cathedral intact na hindi namin ipapasira dahil we would like to make it as a living reminder of what happended to the church, the community in Marawi,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Noong nakalipas na taon May 24, hindi naipagdiwang ang kapistahan dulot na rin ng pagsalakay ng mga terorista sa lungsod at kasamang dinukot ang apat na manggagawa ng katedral kabilang na dito sa Fr. Chito Suganob, dalawa naman sa mga dinukot ang napatay sa kalagitnaan ng digmaan.
Sa nagdaang digmaan, may 300,000 katao ang nagsilikas habang naitala naman ang higit sa 1,000 ang nasawi kabilang na dito ang mga terorista, mga sundalo at pulis at mga sibilyan.