181 total views
Naniniwala si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na nakaalarma na ang ‘crisis of truth’ na mayroon ang Pilipinas.
Ayon sa Obispo, tulad ng mensahe ni Pope Francis sa 52nd World Communication Day na may titulong ‘The Truth Will Set You Free; Journalism and Fake News for Peace’ nagkakaroon na ng pagkalito ang publiko sa katotohanan dahil na rin sa mga mapanglinlang na balita.
“Lumalaganap ang false news kaya ang mga tao ay naguguluhan kaya paano namin ngayon magiging klaro. Klaruhin natin sa mga tao ang mga pangyayari sa tingin ng ating pananampalataya,” ayon kay Bishop Pabillo.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ito rin ang paksa ng inilabas na ‘circular letter’ ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng ‘Solemnity of the Ascension’ na siyang dahilan ng ‘urgent meeting’ ng mga pari para pagnilayan at magkaroon ng iisang pagkilos hinggil dito.
“Nanawagan lang kami sa mga pari, kasi nagpalabas si Cardinal ng pastoral letter. So diniscuss namin ang pastoral letter at paano kami kikilos ngayon ayon sa pastoral letter. At nagbahagihan din sa aming mga damdamin at mga ideas about sa nangyayari sa bansa natin ngayon,” ayon kay Bishop Pabillo.
Read: Cardinal tagle calls for days of prayer, fasting and education for truth
Umaasa din ang Obispo na matapos ang pagninilay ng bawat isa ay magkaroon ng iisang gawain at programa ang simbahan para sa pagsusulong at pagsusuri ng katotohanan.
“May activity na gagawin mula sa May 20-21 at may pag-uusap ang vicariate so paanong lalabas sa pag-uusap tsaka didiretso, may pag-uusap pa rin na mangyayari. Depende kung ano ang paglalabas kung may ‘urgent’ na pangangailangan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Bukod kay Bishop Pabillo, dumalo sa pulong si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr; Australian Missionary Sr. Patricia Fox na kabilang sa 138 mga pari at relihiyoso mula sa Archdiocese of Manila na ginanap sa San Carlos Seminary.
Sa mensahe ni Cardinal Tagle, nagkakaroon ng kalituhan ang publiko sa katotohanan dahil na rin sa magkakaibang interpretasyon ng mga dalubhasa sa ‘Saligang Batas’ na siyang dahilan ng pagkakahati-hati ng mamamayan partikular na ang usapin ng ‘Quo Warranto’ na siyang ginamit na proseso sa pagpapatalsik sa posisyon kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang ‘Gathering of the Clergy ng Archdiocese of Manila’ ay isang pagsisimula para sa panawagan ng pananalangin, pag-aayuno at muling pag-aaral kaugnay sa katotohanan.