222 total views
Mga Kapanalig, nagpanting ang tainga ng marami sa naging pahayag kamakailan ni Budget Secretary Benjamin Diokno tungkol sa kahirapan. Sa tanong tungkol sa kung paano ang magiging kabuhayan ng mga pinapauwi ni Pangulong Duterte na OFW mula sa Kuwait, ang sagot ni Secretary Diokno: hindi raw sila magugutom dito sa Pilipinas kung magsisipag lamang sila.
Ano kaya ang ibig sabihin ng kalihim? Sinasabi ba niyang ang katamaran ang ugat ng kahirapan? Sapat na ba ang kasipagan upang umangat sa buhay?
Sa survey ng Social Weather Stations o SWS noong Marso, apat sa sampung Pilipino o 41.8% ang nagsabing “mahirap” ang turing nila sa kanilang sarili. Subjective o batay sa personal na opinyon (at hindi sa aktwal na halaga ng kinikita) ang sagot sa tanong ng SWS sa mga respondents nito. Bakit kaya ganito ang kanilang pakiramdam gayong sinasabi ng pamahalaang patuloy ang pag-unlad ng ating ekonomiya? Tinatamad kaya sila kaya’t tingin nila’y “mahirap” sila?
Salungat ang opinyon ng ilan sa pananaw ni Secretary Diokno. Anila, hindi raw sapat ang pagiging masipag upang makaahon mula sa kahirapan, at hindi rin sapat ang katamaran ng mga Pilipino upang ipaliwanag ang tumataas na unemployment rate o ang bilis ng pagdami ng mga walang trabaho. Sa isa namang pag-aaral ng World Bank, lumitaw na bagamat mas produktibo ang mga manggagawa sa Pilipinas, hindi naman sabay na tumataas ang kanilang sahod. Idagdag pa natin dito ang pananatili ng ilegal na porma ng kontraktwalisasyon lalo na ang “endo” kung saan hindi paaabutin ng anim na buwan ang isang manggagawa upang hindi siya maging regular. Maraming “endo” sa mga mall, fastfood chains, at maging sa gobyerno, pero hindi naman siguro sila lahat tinatamad kaya nawawalan sila ng trabaho kapag natapos ang kanilang kontrata?
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (o mas kilala bilang 4Ps) ang pangunahing tugon ng pamahalaan upang labanan ang kahirapan. Ngunit sa halip na sukatin ang katamaran ng mga lalahok sa programa, nakabatay ito sa pananaw na ang kahirapan ay bunga ng kakulangan ng access ng mahihirap sa mga oportunidad upang linangin at mapaunlad ang kanilang sarili. Nakaugat ang kawalan ng access na ito sa hindi magkakapantay na posisyong panlipunan na kinapanganakan at kinamulatan ng mga tao. Sa isang banda, may mga isinilang sa posisyong may kakayanang pag-aralin sila sa mga eksklusibong eskuwelahan o may kakayanang ipagamot sa pinakamahusay na ospital kapag nagkakasakit. Sa kabilang banda, may mga ipinanganak sa pamilyang ang kinikita ay sapat lamang (o baka nga hindi pa) sa pang-pampublikong paaralan o ospital.
Ang mga pamilyang limitado o walang oportunidad ang tinututukan ng 4Ps, hindi dahil tamad sila kundi dahil karapatan nilang mag-aral at magpagamot at dahil tungkulin ng pamahalaang alalayan silang umangat sa buhay. Hindi perpektong programa ang 4P, ngunit dahil kasama sa mga “conditionalities” o kaakibat ng perang natatanggap ng pamilya gaya ng pagpasok ng mga bata sa paaralan at pagpapatingin sa health center, mas tumataas ang tsansa nilang umangat sa buhay sa hinaharap. Hindi agarang mabubura ng 4Ps ang kahirapan, ngunit dahil nakakapag-aral ang mga bata at mas malusog sila, inaasahang hindi na maipapasa sa kanilang henerasyon ang kahirapang kasalukuyan nilang nararanasan.
Mga Kapanalig, malaking bagay ang pagiging masipag, ngunit hindi ito sapat. Sa Populorum Progressio, hiniram ni Pope Paul VI ang mga salita ni San Ambrosio: Sa tuwing may inaabot tayo sa mahihirap, alalahanin nating hindi regalo; ibinabalik lamang natin ang kung anumang nararapat sa kanila, sapagkat ang yaman ng mundo ay para sa lahat, hindi lamang para sa maykaya. Kaya naman, mistulang pagnanakaw sa mga dukha ang pagkaitan sila ng pagkakataong mag-aral at magpagamot gamit ang pera ng bayan, gayundin ang isisi ang kanilang nararanasang hirap sa kanilang umano’y pagiging tamad.
Sumainyo ang katotohanan.