151 total views
Ang pagbabantay o safe guarding ng Konstitusyon ay kinakailangan pagtulungan ng bawat mamamayan.
Ito ang apela ni Rev. Fr. Eduardo Apungan – Vice Chairman ng Association of Major Religious Superior in the Philippines (AMRSP) kaugnay sa mga pag-atakeng nagaganap laban sa Saligang Batas.
Ayon sa Pari, bahagi ng pagbabantay ng bawat isa sa Konstitusyon ang pagiging mulat sa mga kasalukuyang usaping panlipunan sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga diskurso at paninindigan sa kung ano ang nilalaman ng Saligang Batas.
“Safeguarding kasi ng constitution natin is bahagi nito ay kamulatan at pakikiisa, siguro sa sitwasyon sa ngayon na kung saan alam naman ng lahat na siguro sabihin nalang natin kung ano man ang term natin but it’s very clear na there are also attack to the constitution, kaya sa safe guarding ng constitution ay kailangan nating manindigan…” pahayag ni Fr. Apungan sa panayam sa Radyo Veritas.
Nauna ng nagpahayag ng pagsang-ayon ang AMRSP sa tinukoy ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na “Crisis of Truth” na kinakaharap ng bansa kung saan mahirap na matukoy sa kasalukuyang panahon ang mga totoong balita mula sa mga huwad at mga pekeng impormasyon o fake news.
Tinukoy ng Kardinal ang magkakasalungat na interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas na nagbubunga ng kaguluhan sa lipunan partikular na ang naging desisyon ng Korte Suprema patungkol sa Quo Warranto na hindi dapat maging paraan sa pagpapaalis ng isang impeachable official.
Nasasaad sa Article 11 ng 1987 Constitution na Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan o Accountability of Public Officers na maari lamang mapatalsik ang mga miyembro ng Supreme Court at iba pang mga impeachable officials sa pamamagitan ng Impeachment na magsisimula sa Mababang Kapulungan ng kongreso at aakyat sa Senado.
Matapos ang Martial Law noong 1987 ay mas pinagtibay ng mga eksperto sa Saligang Batas ang Pambansang Konstitusyon ng Pilipinas upang tiyakin na hindi na muling maaabuso at malalabag ng pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno ang karapatang pantao ng bawat Filipino.