143 total views
Naniniwala si Senador Joseph Victor Ejercito ang Chairman ng Senate committee on urban planning, housing and resettlement na may sabwatan ang mga contractor, developers, engineers at ilang opisyal ng National Housing Authority ng nakalipas na administrasyong Aquino base sa pagsusuri ng komite hinggil sa mga pabahay na hindi natapos ngunit gumastos na ng napakalaking halaga.
Ikinalungkot ng mambabatas na tinatayang umabot na sa 64 – bilyong piso ang ginastos sa lahat ng mga proyektong pabahay sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda, Sendong,at Pablo at mga biktima ng Zamboanga Siege ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa sa kalahati o 50 bahagdan ang occupancy rate nito.
Ayon pa kay Ejercito, nakapagtataka din ang paulit-ulit na pagkakuha ng kontrata ng mga contractor at developers sa kabila ng hindi magandang kalidad na mga naunang proyekto.
“Doon po sa Yolanda, Sendong, sa Pablo at Zamboanga siege. Bali rehabilitations effort ang ginastos po natin ay mahigit ano na yata 64 billion yata kung susumahin mo lahat ng proyekto. At ang nakakalungkot dito ay dun sa 64 billion na yon wala pang kalahati o 50% ang occupancy rate. Marami sa mga proyekto na ginawa ay naka tiwangwang lamang mga hindi na tinapos ang nakakapagtaka dito may mga contractors or developers parang pa ulit ulit lamang na sila sila rin na makakakuha ng kontrata na kahit hindi maganda ang kalidad ng kanila pong gawa.” pahayag ni Senador Ejercito sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, tiniyak naman ng senador na hindi matutulad ang proyektong pabahay para sa mga residente ng Marawi City na naapektuhan sa limang buwang digmaan.
Dahil dito irerekomenda ng mambabatas na magbibigay lamang ng tulong pinansyal ang pamahalaan sa bawat apektadong pamilya at magtayo nalang ng kani-kanilang mga bahay upang mas mabilis na magkaroon ng tirahan ang apektadong mamamayan.
“Parang isa sa mga option mabigay na lang ng resources ang ating pamahalaan. Kaniya – kaniya sila ng gawa tingin ko mas mabilis dahil kung aasahan mo ang gobyerno talagang may katagalan. Pangalawa mag bigay na lang sila ng financial assistance. Kaniya – kaniya sila ng gawa mas mabilis ho kasi dahil sa aking experience pag may mga sakuna o sunog ano man, pag ganiyang assistance mabilis ho silang makapagpapatayo.” dagdag ng senador.
Kaugnay dito naniniwala din si Senator Ejercito na malaki ang magagawa ng simbahan sa pagtulong sa mga nabibiktima ng sakuna at nararapat lamang na magtulungan ang lahat ng sektor sa lipunan sa pagbibigay ayuda sa mga nasasalanta.
“Mga katulong siyempre yung mga simbahan kasi iba rin ang dating kung simbahan talaga ang kumikilos para sa mga ganiyang sakuna o problema kagaya ng ganyang problema maganda rin na nagtutulungan. Yung separation ng church and state maganda yung nagtutulungan dahil yung ganitong pagkakataon dapat walang
separation.”
Magugunitang mahigit sa kalahating bilyong piso ang naipaabot na tulong ng simbahang katolika sa mga nasalanta noong bagyong Yolanda sa pangunguna ng CBCP National Secretariat for Social Action, Justice, and Peace o CBCP NASSA, Caritas Philippines sa pamamagitan ng programang REACH Philippines (Recovery Assistance to Vulnerable Communities Affected by Typhoon Haiyan in the Philippines).