202 total views
Buong pusong tinatanggap ni Lingayen-Dagupan Bishop Jose Elmer Mangalinao ang bagong tungkulin bilang bagong obispo ng Diocese ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
“Tinatanggap ko ng masaya, ang aking pagkakatalaga ng Santo Papa Francisco bilang pangatlong obispo ng Bayombong, Nueva Vizcaya at kasama nito ang lubos-lubos na tiwala na kung saan ako pupunta naroroon ang Panginoon katulad ng narito Siya lagi sa bawat segundo ng aking buhay,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Tiniyak din ng Obispo na siya ay magiging punong lingkod ng Bayombong at kasamang maglalakbay sa buhay pananampalataya para sa sama-samang pagtahak tungo sa kabanalan.
“Sa Bayombong ako po ay nagagalak na makasama kayo sa buhay pananampalataya. Ako po ay darating na sugo ng Santo Papa na kayo ay mahalin, paglingkuran at sama-sama tayong tumahak sa landas ng kabanalan habang itinataas natin ang pananampalataya at antas ng buhay ng ating kababayan sa Bayombong,” dagdag pa ni Bishop Mangalinao.
Si Bishop Mangalinao ang kasalukuyang auxiliary bishop ng Archdiocese ng Lingayen Dagupan ay itinalaga ni Pope Francis bilang bagong obispo ng Bayombong noong May 24.
Tubong Cabiao,Nueva Ecija si Bishop Mangalinao at inordinahang pari noong 1985.
Itinalagang Obispo at katuwang na Obispo ni Pope Francis sa Lingayen-Dagupan noong May 2016 na pinamumunuan ni Archbsihop Socrates Villegas.
Naniniwala din si Bishop Mangalinao na malaki ang maitutulong ng kanyang dalawang taong paglilingkod sa simbahan kasama si Archishop Villegas para sa haharaping bagong tungkulin.
“Nagpapasalamat ako na mayroon akong higit sa dalawang taon na pag-aaral sa pamamagitan ni Fr. Soc (Arcbishop Villegas) siyempre si Fr. Soc ay isang napakahusay na obispo, napakabanal na alagad ng Diyos at sa pamamagitan niya kung paano siya nakipamuhay, maglingkod kung paano siya dalhin at akayin ang tao sa Panginoon ay napakaganda na makita sa araw-araw ng dalawang taon na magkasama kami,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Bago maging obispo, nagsilbi si Bishop Mangalinao bilang Vicar General ng Cabanatuan at naging pangulo ng College of Immaculate Conception.
Kabilang din sa kaniyang gawain ang pagiging formator ng Maria Assumpta Seminary at Parish Priest ng Saint Isidore the Worker parish sa bayan ng Talavera; Three Kings parish sa Gapan at St. Nicolas of Tolentine Cathedral.
Si Bishop Mangalinao ang ikatlong obispo ng Diocese ng Bayombong na siyang hahalili kay Bishop Ramon Villena na nagretiro noong 2016. Ang diyosesis ay binubuo ng 33 mga pari na nangangasiwa sa 20 mga parokya.