206 total views
Nagpaabot ng pasasalamat sa mamamayan na nagbabantay at naninindigan para sa Konstitusyon at katarungan sa bansa si Rev. Fr. Robert Reyes – kilala bilang running priest at tagapag-salita ng religious group na Gomburza.
Giit ng Pari, hindi basta magtatapos ang isinasagawang pagkilos at pagsasakripisyo ng iba’t-ibang grupo at samahan sa harapan ng Korte Suprema upang isulong at ipakita ang kanilang paninindigan na hindi dapat balewalain o isantabi ang Saligang Batas ng Pilipinas na nagtatakda ng patas na mga karapatan at proteksyon sa bawat mamamayan.
“Taumbayan dapat noon pa natin binantayan ito sa lahat ng mga nagpunta dito at nagbantay at nagsakripisyo, simula lang ito ipagpapatuloy natin, sa mga darating na panahon…” pahayag ni Fr.Reyes sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang bago ang naging kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema patungkol sa Quo Warranto Petition laban kay dating Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay ilang grupo mula sa iba’t-ibang ecumenical groups ang nagsagawa ng Dasal at Ayuno sa labas ng Kataas-taasang Hukuman upang bantayan ang hatol.
Matapos ang naging pagpabor ng mga mahistrado sa Quo Warranto Petition noong ika-11 ng Mayo ay patuloy pa ring nagsagawa ng pagkilos at aktibidad ang naturang grupo sa harapan ng Korte Suprema na tinatawag na Bantay Lamay o Lakbay Lamay.
Dahil dito muling umapela si Father Reyes sa mga Obispo, Pari, Madre at mga Layko na huwag lamang basta tumahimik at manuod sa mga nagaganap sa lipunan sa halip ay magsalita at magpahayag rin ng kanilang mga paninindigan.
Giit ng Pari, bilang mga pastol at lingkod ng Panginoon ay dapat na manguna ang mga lingkod ng Simbahan sa paninindigan para sa katotohanan, kalayaan at makatarungang kinabukasan ng bayan.
Nananawagan si Father Reyes sa mga Obispo, Pari, Madre at Layko na gumawa ng mga hakbang upang maipahayag ang kanilang paninindigan para sa bayan sa halip na basta na lamang manahimik habang ang bayan ay nanganganib mula sa mga nais na isantabi at pabagsagin ang Saligang Batas na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng bawat mamamayan.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa paglaganap ng “Crisis of Truth” partikular na ang Fake News sa ating bansa at sa magkakasalungat na interpretasyon ng mga eksperto sa Saligang Batas na nagbubunga ng kaguluhan sa lipunan.
Read: Pilipinas, nahaharap sa “Crisis of Truth”
Samantala, una na ring tiniyak ng Association of Major Religious Superior in the Philippines (AMRSP) ang pakikisangkot hindi lamang sa mga usaping panlipunan kundi maging sa pagbabantay sa makatotohanan, makatarungan at makataong pamamahala sa bansa.
Sa tala, ang AMRSP ay binubuo ng 283 kongregasyon, kabilang na dito ang 68 men congregations kung saan ang 18 kongregasyon ay itinatag dito sa Pilipinas.