353 total views
Nanawagan ng panalangin ang Sangguniang Layko ng Pilipinas para sa paglabas ng katotohanan upang matuldukan na ang krisis ng kasinungalingan na kinahaharap ng bayan.
Ayon kay Maria Julieta Wasan – Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas mahalaga ang pananalangin para sa bayan ng mga Filipino upang mabunyag ang lahat ng kasinungalingan at manaig ang katotohanan sa ating bansa.
“Kung tayong lahat na mga Filipino ay mananalangin para sa katotohanan, lahat ng mga kasinungalingan sana ay mabunyag, ngayon panahon na ito ay talagang nasa krisis ang ating environment ang ating kapaligiran na sana hanggat maari ay ipagdasal natin ang ating bayan…” pahayag ni Wasan sa panayam sa Radio Veritas.
Unang tinukoy ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang “Crisis of Truth” na kinahaharap ng bansa kung saan mahirap na matukoy sa kasalukuyang panahon ang mga totoong balita mula sa mga huwad at mga pekeng impormasyon o fake news.
Matatandaang lumabas sa pinakabagong Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy We Are Social na nangunguna pa rin ang Pilipinas sa social media usage sa buong mundo kung saan umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users sa bansa kung saan malaking porsyenoto nito ay may social media account.
Kaugnay nito, kahapon ika-31 ng Mayo nang magtapos ang 12 araw na panawagan ni Cardinal Tagle noong Pentecost Sunday na “Feasts of Truth and Love” na paggunita sa pagbibigay halaga upang maisulong ang paninindigan para sa katotohanan at katarungan na hinahangad ng bawat isa para sa bansa.