569 total views
Mga Kapanalig, inalala natin noong nakaraang linggo ang unang taon ng pagsisimula ng madugong Marawi siege, ang unang araw ng pagsakop ng Maute-ISIS group sa makasaysayang lungsod na nagbunsod ng paglulunsad ng pamahalaan ng marahas na pag-atake roon at pagdedeklara ng batas militar sa buong Mindanao.
Ngunit para kay Pangulo Duterte, mas nais raw niyang ipagdiwang ang unang taon ng pagpapalaya sa nag-iisang Islamic City sa ating bansa sa halip na ang unang taon ng pagsisimula ng gulo roon. Pero iba ang pagdiriwang sa pag-alala. Ang unang anibersaryo ng Marawi siege ay ang pag-alala natin sa 168 na sundalong nasawi at sa 47 inosenteng sibilyang nasawi sa gitna ng bakbakan. Pag-alala rin natin ito sa libu-libong kapatid nating Maranao na napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan nang walang tiyak na pupuntahan, at marami sa kanila ang hanggang ngayo’y hindi pa rin nakababalik sa Marawi. Natapos ng pamahalaan sa loob ng 148 na araw ang giyerang sinimulan nito, ngunit nagpapatuloy ang libu-libong kababayan nating naakpektuhan ng gulo na buuing muli ang lahat ng nasira sa kanilang buhay. Sila ang inaalala natin sa unang taon ng Marawi siege.
Malaking hamon ang muling pagbangon ng Marawi. Ayon sa National Economic and Development Authority o NEDA, aabot sa 11.5 bilyong piso ang halaga ng nasirang ari-arian dahil sa giyera. Hindi pa riyan kasama ang pinsalang idinulot nito sa pag-aaral ng mga bata at sa paghahanapbuhay ng mga magulang. Tinatayang aabot sa 75 bilyong piso ang gugugulin para sa rehabilitasyon ng Marawi—hindi birong halaga ito, mga Kapanalig, kaya’t kailangang bantayan ang paggamit nito.
Dahil ang buhay at kinabukasan ng mga mamamayan ng Marawi ang nakasalalay sa pagbangon ng Marawi, mahalagang kalahok sila sa pagbubuo ng pamahalaan ng isang rehabilitation masterplan. Ayon nga sa isang pag-aaral para sa Asia Foundation, ang pinaka-epektibong paraan ng rehabilitasyon ay ang tinatawag na community-led rehabilitation o ang muling pagbangon na pinangungunahan ng mga tao, ng mga pamayanan.
Ngunit gaya ng nangyayari ngayon sa Boracay, hindi malinaw sa mga kababayan natin sa Marawi ang tunay na plano ng pamahalaan. Ang masama pa, hindi raw nakakasama sa mga konsultasyon ang mga residente ng Marawi, kaya’t walang katiyakan kung magiging angkop sa kultura ng mga Maranao ang itatayong “bagong lungsod.” Maliban sa hindi naging makahulugan ang pakikilahok ng mga mamamayan ng Marawi sa pagpaplano, karamihan sa mga itinalaga ni Pangulong Duterte sa Task Force Bangon Marawi, na siyang susuri at pipili ng mga contractors na magsasagawa ng bilyong-pisong rehabilitasyon sa Marawi, ay walang karanasan sa pagtatasa ng mga teknikal na kontrata at sa pangangasiwa ng pampublikong pondo. Kapakanan kaya talaga ng mga taga-Marawi ang isinasaisip ng pamahalaan?
Ang pakikilahok ng mga Maranao sa pagtatayong muli ng kanilang lungsod ay bahagi ng kanilang karapatan sa kaunlaran o “right to development.” May tatlong salik ang pagkamit ng karapatang ito ayon sa dokumentong Justice in the World na bunga ng Synod of Bishops noong 1971. Una, hindi dapat hinahadlangan ang mga taong umunlad ayon sa kanilang kultura. Ikalawa, sa pamamagitan ng pagtutulungan o mutual cooperation, ang mga tao ang silang dapat manguna, maging “principal architects” ‘ika nga, ng kanilang pag-unlad. Ikatlo, dapat na nakikipagtulungan ang bawat isa sa iba sa pagkamit ng kagalingan ng lahat o ang common good. Batay sa mga pamantayang ito, mukhang hindi maaninag sa ginagawang rehabilitasyon ng Marawi ang pagkilala ng pamahalaan sa karapatan ng mga Maranao sa kaunlaran.
Mga Kapanalig, hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng mga bahay at mga gusali o pagsasaayos ng mga kalsada ang pagbangon ng Marawi. Tunay na makababangon ang Marawi kung aktibong makalalahok ang mga mamamayan nito at hindi lamang aasa sa ibibigay ng mga taong sumira sa kanilang lungsod.
Sumainyo ang katotohanan.