389 total views
Maituturing na isang panibagong biyaya at misyon ang pagtataguyod sa Parokya at Simbahan ng Santa Cruz bilang Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament o Dambana ng Banal na Sakramento ng Simbahan ng Santa Cruz.
Ayon kay Rev. Fr. Rudsend Paragas, SS ang Parish Priest ng Sta. Cruz Church at kauna-unahang Rector ng Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament, isang pambihirang pagpapala para sa buong parokya ang mapagkatiwalaan na pangunahan ang misyon na palaganapin ang Mabuting Balita.
Sinabi ng Pari na nangingibabaw ang kanyang pasasalamat sa panibagong misyon at mas malaking responsibidad na nakaatang sa kanya.
“Bilang unang Rector dito sa Dambana ng Banal na Eukaristiya of course exited pero syempre yung pressure dahil Parish Priest ka at the same time Rector, it’s a privilege dahil alam ko namang malaking katungkulan pero yung pagkakatiwalaan ka ni Cardinal, ng provincial namin ng ganito kalaking trabaho kasi kapag dambana siya ibig sabihin ang misyon mo is to Evangelize people and for them to know more kung sino si Kristo, ibig sabihin more time, more care, more way of relating to people…” pahayag ni Fr. Paragas sa panayam sa Radyo Veritas.
Ang pagiging Dambana ng Banal na Sakramento ng Simbahan ng Santa Cruz ay may basbas ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kung saan kanyang pinangunahan ang pagtataguyod ng parokya at simbahan bilang Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament kasabay ng paggunita ng Solemnity of Corpus Christi o Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus.
Ang isang Dambana para sa mga Katoliko ay isang bahay-dalanginan o Simbahan na pinupuntahan ng mga deboto, pilgrims at may mga panata sa isang Santo.
Layunin ng Dambana ng Banal na Sakramento ng Simbahan ng Santa Cruz na maging daluyan ng pagsasakatuparan ng paghahari ng Diyos sa makahulugan at masiglang pagdiriwang ng mga liturhuya at Eukaristiya.
Layunin din ng dambana na maisulong ang mataimtim na pananalangin sa nakatanghal na Banal na Sakramento at pangungumpisal.
Ang Banal na Sakramento ay ang Konsagradong alak at tinapay na nagiging Katawan at Dugo ng Krisyo sa Banal na Misa.
Sa pagtanggap ng katawan at dugo ni Kristo nakakamtan ng bawat mananampalataya ang dakilang ugnayan sa Diyos sapagkat ang Eukaristiya ay ang pinaka-dakilang yaman ng Simbahang Katolika.