237 total views
Iniulat ng Department of Education na naging maayos ang pagbubukas ng klase ngayong araw ika-5 ng Hunyo 2018.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Planning and Field Operations Jesus Mateo, bunga ito ng paghahanda ng kagawaran upang maayos at maging matiwasay ang unang araw ng klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sinabi ni Mateo na bago matapos ang Brigada Eskwela ay nagsagawa ng dry run ang mga paaralan sa Metro Manila kung saan itinuro na sa mga mag-aaral ang kanilang mga sild-aralan nang maiwasan ang pagkalito sa unang araw ng pasukan.
Bukod dito ibinahagi rin ng opisyal na tinutugunan ng DepEd ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa partikular sa mga matataong lugar gaya ng Metro Manila.
“Ang problema natin wala na tayong space doon sa mga existing schools natin. Kaya ang ginagawa natin pinapayagan tayo ng mga kinauukulan dine-demolish na natin yung 1 storey building at nagtatayo ng multi-storey buildings.” dagdag ni Mateo.
Inihayag din ni Mateo na nangangailangan ang DepEd ng karagdagang 75-libong guro upang matugunan ang kakulangan ng mga guro sa bansa lalo’t ibinaba ng kagawaran ang teacher – pupil ratio na 1 guro sa bawat 33 mag-aaral sa elementarya habang 1 guro sa bawat 26 na mag-aaral sa sekondarya mas mababa sa pamantayan ng DepEd na 1:40.
Panalangin naman ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na bigyang gabay ng Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ang mga guro at mag-aaral na maging masigasig sa pag-aaral ngayong pasukan