163 total views
May basehan ang mga pagdududa o agam-agam ng mamamayan partikular ng mga taga-Mindanao sa pagkakaroon ng naaangkop na kunsultasyon patungkol sa panukalang Bangsamoro Basic Law na kapwa pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso at Senado.
Ayon kay Former University of the Philippines Institute of Islamic Studies Dean Julkipli Wadi, mahalaga ang pagkakaroon ng naaangkop na konsultasyon sa panukala dahil hindi basta basta ang layunin ng BBL sa Mindanao.
Paliwanag ni Dean Wadi, dapat na maging malinaw kung anong mga sektor o grupo ang nakunsulta sa rehiyon na inaasahang maaapektuhan ng implementasyon ng BBL.
“Ang tanong, gaano ba talaga yung maximum na consultation, ano ang minimum na consultation kasi the concept of consultation really happen arbitrary yun bang random selection kung sino yung kinukunsulta at hindi natin alam kung gaano ba, ano ba ang number ng population na dapat ikunsulta, so well may basehan yung ganung mga agam-agam na kulang sa konsultasyon…” pahayag ni Wadi sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas ay papalitan ng Bangsamoro entity ang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na naitatag noong 1989 na sumasakop sa may 5 probinsiya at 113 munisipalidad na kinakatawan ng 8 kongresista.
Nauna nang nagpahayag ng pangamba si Ozamis Archbishop Martin Jumoad kaugnay sa posibilidad ng muling pagkakaroon ng mga panibagong kaguluhan o rebelyon sa rehiyon ng Mindanao kung hindi ganap na magiging buo at patas ang magiging implementasyon ng panukalang batas.
Matatandaang sa inilabas na pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong 2015, binigyang diin ng kapulungan ng mga Obispo na makakamit lamang ang ganap na pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng paggalang ng bawat isa sa lahat ng mamamayan maging sa mga Muslim, Kristiyano at Lumad na nakabase sa katarungang panlipunan, pagkakaisa at kapayapaan.