1,439 total views
Malaking dagok sa mamamayan ang pagtaas ng inflation rate sa bansa.
Ayon kay Joshua Mata ang Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa o SENTRO,hindi sapat ang binibigay na pabuya ng pamahalaan na pag-alis sa buwis sa mga manggagawang may taunang kita na 250-libong piso dahil binabawi naman ito sa pagpapataw ng mataas na buwis sa mga produktong karaniwang kinokonsumo ng mamamayan.
Dismayado si Mata sa pagpatupadang pamahalaan ng panibagong tax measure sa kabila ng bigong pagtugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa bansa.
“Malaking dagok itong inflation na ito kahit na binibigyan pa ng TRAIN Law ng pabuya ang ating mga manggagawa na magkaroon ng tax break o yung first 250,000, kahit may ganyan babawiin at babawiin ng gobyerno sa pamamagitan ng matataas na taxes sa ating kinokonsumo lalo na itong tinatawag na excise taxes sa langis at sugar sweetened beverages. Sa madaling salita po nasa sitwasyon tayong may bagong tax measure na ini-implement habang tumataas ang presyo ng bilihin dahil sa kapalpakan ng policy ng gobyerno natin sa bigas at dahil sa international na galaw ng presyo ng langis.” pahayag ni Mata sa panayam ng Radio Veritas.
Dahil dito kailangan ng mamamayan ang maayos na programang tutugon sa usapin at hindi ang nakaiinsultong pahayag mula sa mga opisyal ng gobyerno.
Naniniwala si Mata na dapat magpatupad ang pamahalaan ng massive cash transfer program at ayusin ang Pantawid Pasada program para sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan upang maibsan ang epekto ng inflation sa mga mamamayan sa bansa.
Bukod dito ay kinundena rin ng grupo ang pahayag ng National Economic and Development Authority na sapat na ang sampung libong kita para sa pamilyang may limang kasapi dahil walang matibay na basehan ng kanilang pag-aaral.
“Natural na naka anger mode ang mga tao sa callous statement ng ating mga opisyal ng gobyerno tapos biglang papasok pa ang NEDA sa presentation nila na kung tutuusin ay pag-aaral lamang ng average expenditure ng mga mahihirap subalit hindi naipaliwanag ng maayos kaya talagang aani sila ng batikos.” dagdag pa ni Mata.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority umabot sa 4.6 – porsiyento ang inflation rate noong Mayo mas mataas kumpara sa naitalang 4.5 – porsiyento noong Abril.
Sa datos ng NEDA 0.65 – porsiyento ang naiambag ng presyo ng isda at iba pang yamang dagat sa sa kabuuang inflation rate, 0.60 porsiyento naman sa mga produktong langis at 0.56 porsiyento naman sa tinapay at cereals.
Samantala, sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika, mahalagang alalahanin ang kabutihang pangkalahatan na pangunahing naaapektuhan ng pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga bilihin sa merkado.