171 total views
Umapela si Ifugao Lone District Representative Teddy Brawner Baguilat sa kanyang kapwa Kongresista at sa mga Senador na ipasa na sa lalong madaling panahon ang “Green Bills”.
Ayon kay Baguilat, ito’y bilang patunay na sinsero ang pamahalaan at ang mga mambabatas sa adhikaing protektahan ang kalikasan.
Partikular pang hinimok ng Kongresista ang chairpersons at mga miyembro ng Committee on Environment and Natural Resources, at Indigenous Cultural Communities.
Paliwanag nito bilang isang miyembro ng tribu ng mga Ifugao, itinuturing nilang mga katutubo na isang sagradong lugar ang mga kagubatan, na tanda ng kanilang tradisyon kung saan malayang magkakasamang mamuhay ang mga tao at ang kalikasan.
“As a member of the Ifugao tribe, we look at the forest as sacred ground. It represents our long tradition and practice of co-existing with nature. It is where we have taken root and lay our forebears to rest. Because it is sacred, it has to be protected and conserved,” pagbibigay diin ni Baguilat.
Dagdag pa ng Kongresista may sustinableng sistema ang mga katutubo ng pangangalaga sa kalikasan.
Aniya, maayos na nahahati-hati ng mga katutubo ang paggamit sa likas na yaman ng mga kagubatan, at prayoridad dito ang pagprotekta sa kalikasan, at hindi ang pag-abuso sa yamang maibibigay nito.
Naniniwala si Baguilat na ang tradisyunal na pamamaraan ng mga katutubo ay makatutulong ng malaki lalo na sa kinahaharap na suliraning pangkalikasan sa kasalukuyan.
“If there is a need for production areas in our forests, we make sure these are carefully regulated and sustained. Ironically, it is this old, traditional knowledge which promises new solutions to the challenges we face in environmental management,” dagdag pa ng Kongresista.
Kabilang sa mga tinatawag na Green Bills na isinusulong ni Baguilat ang Indigenous Community Conserved Areas (ICCA) bill, National Land Use and Management Act (NLUA) bill, Forest Resources bill (FRB) at Philippine Minerals Resources (PMR) bill.
Umaasa si Baguilat na sa pamamagitan ng Green Bills ay mapangangasiwaang mabuti ang likas na yaman ng Pilipinas, para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Sangayon sa Encyclical Letter na Laudato Si ni Pope Francis, ang kalikasan ay hindi pag-aari ng sinuman dahil ito’y ipinagkaloob ng Panginoon sa tao upang pangalagaan at pagyabungin para sa kapakinabangan ng susunod pang henerasyon.