164 total views
Ngayon pa lamang ay dapat nang suriin ng publiko ang mga nais na tumakbo sa 2019 National Elections.
Ayon kay Dinky Soliman, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Aquino Administration, ito ay para ipakita ng publiko ang hindi pagkakuntento sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado si Soliman na sa kasalukuyan ay hindi maisasakatuparan sakali mang isulong ang pagpapatalsik sa pangulo sa pamamagitan ng ‘impeachment’ dahil mga kaalyado nito ang mga Kongresista.
“Hindi po ‘yun mangyayari sa ngayon. Meron tayong eleksyon sa 2019 palitan po natin ang House of Representatives, maglagay tayo ng mga taong maaring manindigan hindi matatakot at susunod sa kagustuhan ng mamamayan may posibilidad na magtagumpay ang impeachment,” ayon kay Soliman.
Giit ni Soliman, mahalaga ang halalan sa susunod na taon at hindi na dapat pang mahalal ang mga kaalyadong mambabatas ng kasalukuyang administrasyon.
“Malaking pagkakataon para ipakita na ang mamamayan ay hindi na sumusuporta sa mga pambabastos, pang-aapi, panloloko, sa pagsisinungaling ng pangulong Duterte,” dagdag pa ng dating kalihim.
Sa taong 2019 nakatakda muling maghalal ang 56 na milyong botante ng 12 senador, at higit sa 300 bilang ng mga mambababatas sa Mababang Kapulungan.
Dagdag pa ni Soliman, ang halalan sa 2019 ay isang malaking pagkakataon para ipakita na ang mamamayan ay tutol sa mga pambabastos, kawalang katarungan, tiraniya ng kasalukuyang administrasyon.
Kumpiyansa din si Soliman na malaking bahagi na ng 16 na milyong bumoto sa Pangulo ang nagsisi sa kanilang pagsuporta lalu’t hindi napatunayan ng Pangulong Duterte ang kanyang pangakong pagbabago para sa bayan.
Noong 2015 sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas, sinabi nito sa harap ng mga kawani at opisyal ng gobyerno sa Malacanang ang kaniyang panawagan na sikaping bigyang diin ng bawat isa ang malasakit sa kapwa, paggalang sa karapatang pantao at pagkilala sa kasagraduhan ng buhay.