226 total views
Hindi na nararapat na ipagkibit-balikat ang patuloy na nagaganap na karahasan sa lipunan.
Ito ang panawagan sa mga mamamayan ni Diocese of San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari kasunod ng marahas na pagkamatay ni Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin noong linggo sa kapilya ng Nuestra Señora de la Nieve sa Zaragoza, Nueva Ecija.
Umaasa ang Obispo na magsilbing hamon para sa bawat isa partikular na sa mga mayroong malasakit sa nagaganap sa lipunan ang sunod-sunod na mga kaso ng karahasan upang magsama-sama ang lahat na manalangin at manindigan sa katotohanan.
Giit ni Bishop Mallari, sa ganitong paraan lamang ganap na maisusulong ang paghahanap ng katarungan sa mga nagaganap na pagpaslang hindi lamang sa mga Pari na namatay kundi sa iba pang mga biktima ng iba’t ibang kaso ng karahasan.
“I hope also we’ll be able to challenge everyone specially po yung may malasakit dito sa nangyayari ngayon sa ating bansa na sama-sama po nating ipagdasal, sama-sama po nating talagang pagtuunan ng pansin, talagang sama-samang maghanap ng hustisya at yun nga yung completely sana huwag po tayong magkipit-balikat dito sa nangyayari, we really walk as one para sa ganun marating po natin yung minimithi nating hustisya para kay Fr. Mark (Ventura), Fr. Richmond (Nilo), Fr. Tito (Paez) at sa lahat ng nagiging biktima po ng pagpatay na nangyayari sa ating bansa…” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon sa Obispo, lubos nang nakadidismaya ang mga nagaganap sa kasalukuyan kung saan kaduda-duda na rin ang sunod-sunod na pagpatay sa mga Pari simula noong nakalipas na taon.
“Nakakalungkot din po yung nangyayari talaga sa bansa natin hindi natin alam kung this is really a plan kasi mga pari na yung sunod sunod (na namamatay)…” Dagdag pa ni Bishop Mallari.
Ang pagkamatay ni Fr. Richmond Nilo ay ang ikatlong kaso na ng pagpaslang sa mga Pari simula noong nakalipas na taon.
Matatandaan noong ika-5 ng Disyembre ng nakalipas ng taong 2017 ay 9 na beses na binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin si Fr. Marcelito “Tito” Paez ng Diocese of San Jose habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Ika-29 naman ng Abril ng kasalukuyang taon barilin din si Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao matapos ang kanyang misa sa Brgy. Peña Weste, Gattaran Cagayan.
Nauna nang nagpahayag ng pakikiisa at pakikidalamhati ang Diocese of San Jose, Nueva Ecija sa kalungkutan at paghihinagpis ng mga naiwang kapamilya at mga kasamahan sa Diocese of Cabanatuan ni Fr. Nilo na marahas na pinatay sa mismong tabi ng altar.
Read: Diocese of San Jose, nagpaabot ng pakikiramay sa Diocese of Cabanatuan