478 total views
Pinaboran ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang planong pagpapatupad ng National ID System ng Security Exchange Commission (SEC) upang mapigilan ang money laundering at mapaganda ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan.
Ayon kay Bishop Bacani, kinakailangan ng ipatupad sa bansa ang national ID system upang mabawasan na ang mataas na bilang ng korapsyon at mabigyan ng seguridad ang bawat mamamayan.
“Ako hindi ako tutol sa National ID system, ako talaga pabor ako diyan. Maraming mga bansa mga democratic country ay meron niyan. Hindi tayo dapat tumutol diyan yung mga taong wala namang masamang gawain ay kailangan magkaroon ng National ID system,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas
Ipinagpapasalamat naman ni Bishop Bacani ang patuloy na imbestigasyon na isinasagawa ng Senado sa money laundering scheme kung saan ninakaw ang $81 milyon dolyar ng Bangladesh Central Bank.
“Hindi naman ang ating bansa ang napasama rito sapagkat nahuli ng ating bansa. Ngunit dapat magiging babala yan at marami pang nagaganap na tulad niyan na hindi nahuhuli. Pero tandaan natin hindi kasalanan ng ating bansa ang pagnanakaw ng pera na yan. Halos sigurado rin na may mga kababayan tayo na nakipag – sabwatan sa mga ibang taong taga – ibang bansa. Ang pamahalaan maganda naman ang nagawa at nahuli ito at ngayon ay nililitis sila ng mabuti. Pasalamat tayo diyan,” giit pa ni obispo sa Veritas Patrol.
Nabatid na kabilang sa mga bansang nagpapatupad ng national ID sytem ay ang Argentina, Belgium, Colombia, Germany, Italy, Peru, Espana at ila pang mga bansa sa Asya. Nauna ng tinutulan ni Pope Francis ang pagtanggap ng donasyon na nagmumula sa maruruming salapi sa mga pasugalan at katiwalian.