792 total views
Bahagi ng pagbibigay proteksyon sa bawat mamamayang Filipino ang pagsusulong ng katarungang panlipunan.
Ito ang iginiit ni Ms. Rose Trajano, Secretary General ng Phillippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) kaugnay sa mandato ng mga otoridad sa pagbibigay seguridad sa kapakanan ng bawat mamamayan.
Paliwanag ni Trajano, bukod sa pagrespeto sa dignidad at pagprotekta sa kapakanan ng bawat isa mula sa anumang karahasan sa lipunan ay dapat din maging bahagi nito ang pagtiyak na makamit ng mga biktima ang katarungan mula sa anumang pang-aabuso o karahasan.
“Sa lahat ng Filipino kailangan po yung pagrerespeto ng ating dignidad at syempre yung pagpoprotekta sa atin sa nangyayari, kasama po sa proteksyon ay ang pag-i-ensure ng hustisya na yung mga nangyayaring pagpatay mga violation ay aabot sa hukuman at magkakaroon ng justice para doon sa mga biktima…” pahayag ni Trajano sa panayam Radyo Veritas.
Gayunpaman, dismayado ang PAHRA sa patuloy na pagsasantabi ng pamahalaan sa mga kaso ng karahasan at pagpaslang na pinaghihinalaang kaso ng extra-judicial killings kung saan tinatayang nasa 3 hanggang 5-indibidwal ang napapatay kada araw na may kaugnayan sa kalakalan ng droga, kaso ng pagpatay sa human rights defenders at maging sa mga lingkod ng Simbahan.
“Kung ganyang gabi-gabi 3 to 5 people ang napapatay ibig sabihin tumataas pa din ang pagtala ng extra-judicial killings sa Pilipinas at hindi malayong mangyari lalo na sa ating mga human rights defenders kasama na po ang taong Simbahan ay madadagdagan pa ang fatalities sa atin ang nakakalungkot po ay iniignore ito ng ating government…” Dagdag pa ni Trajano.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan ng mga human rights group laban sa karahasan na nagaganap sa lipunan kung saan nagpahayag rin ng pagkabahala ang mga ito sa ikatlong kaso ng pagkakapatay sa Pari ng Simbahang Katolika.
Batay sa tala, aabot na sa higit 20,000 ang bilang ng mga kaso ng drug related killings kung saan karamihan sa mga ito ay hindi pa napapatunayan ang kaugnayan sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, mula naman noong Disyembre ng nakalipas na taon ay 3 pari na ang pinaslang ng mga hindi pa rin nakikilalang salarin.
Si Fr. Marcelito “Tito” Paez ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija noong ika-4 ng Disyembre ng nakalipas ng taong 2017; si Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao noong ika-29 naman ng Abril ng kasalukuyang taon at ang pinakahuli ay ang kaso ng pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan noong ika-10 ng Hunyo.