224 total views
Ito ang iginiit ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ukol sa inihayag ng pamahalan na lumalago ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon sa Obispo, hindi sapat ang mga numero na pagbabasehan sa malagong ekonomiya ng bansa.
“Hindi lang dapat yan tinitingnan sa numero na dumadating ngunit sa buhay ng mga tao, kung paano naapektuhan yung mga tao. Kaya hindi naman totoong lumalago ang ekonomiya kung susubukan natin ang kabuhayan ng mga tao.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Aktibo naman ang Simbahan sa pagtulong sa mga taong naapektuhan sa pagpapatupad ng proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan na maipaabot ang kanilang hinaing tulad ng mga nawawalan ng tirahan na walang malilipatan.
Binigyan pa ni Bishop Pabillo na dapat malaman ng mamamayan ang pinanggagalingan ng perang ipangtutustos sa Build Build Build Program ng pamahalaan.
Ayon sa Obispo, karapatan ng mamamayan na malaman kung ito ay uutangin na babayaran hanggang sa susunod na henerasyon.
Nangangamba si Bishop Pabillo na maaring pagmumulan ng korapsyon ng ilang indibidwal ang uutangin na pondo.
“Saan nanggagaling ang pera diyan, iyan ba ay uutangin natin at babayaran ng susunod na henerasyon?” mga katanungan ng Obispo.
Paliwanag ng Obispo, maraming usapin na lilinawin sa programang pang imprastraktura ng pamahalaan kung ito ba ay magbibigay kaunlaran sa bawat mamamayan sa bansa.
Batay sa tala, umabot sa 6.88 trilyong piso ang utang ng bansa noong Abril 2018 habang pinangangambahan itong mas lalaki pa dahil halos 8 – trilyong piso ang kabuuang halaga ng proyektong pang imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa isang mensahe ng Kaniyang Kabanalan Francisco binigyang – diin nitong maituturing maunlad ang isang bansa kung kasabay nitong sumusulong ang buhay ng bawat mamamayan.