777 total views
Labis ng apektado ang mga mahihirap na mamamayan at manggagawa sa patuloy na pagtaas ng Inflation Rate sa bansa at paghina ng halaga ng Piso.
Ito ang inihayag ni Leody De Guzman, Pangulo ng Bukluran ng Manggawang Pilipino kaugnay sa kalagayan ng Ekonomiya ng Bansa.
Ayon kay De Guzman, bumababa ang Purchasing Power ng mga manggagawa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin na karaniwang kinokonsumo ng Ordinaryong mamamayan.
“Ang immediate impact niyan ay yung pagbaba ng purchasing power nung ating suweldo ibig sabihin mas kakaunti na ang mabibili ng ating manggagawa.” pahayag ni De Guzman sa Radio Veritas.
Nakadagdag din sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang balak ng pamahalaan na umutang sa ibang Bansa upang tustusan ang Build Build Build Program na tinatayang nagkakahalaga ng halos 8 – trilyong piso.
Sinabi ni De Guzman na malalaking Korporasyon ang higit na makikinabang sa pagpapatupad ng Build Build Build Program ng pamahalaan dahil sa kaginhawaan ng pagdadala ng kanilang mga kalakal sa bansa ngunit mataas ang presyo na hindi nakatutulong sa mamamayan.
Naninindigan ang BMP na ang mga ordinaryong Pilipino ang papasan sa uutanging pera ng Pilipinas para pondohan ang mga Proyektong pang-imprastraktura ng Administrasyong Duterte sa pamamagitan ng mataas na buwis.
“Siyempre nadadagdagan yung bilang nang may trabaho pero in the long run ay talo yung mga manggagawa pati sambayanang Filipino dahil utang yan in the long run yan magiging bayarin nang mga mamamayan, yung ating yaman sa halip na pakinabangan nating mga Filipino ay ipambabayad doon sa utang na napakataas nung interest.” dagdag pa ni De Guzman.
Naunang nanawagan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo,chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa pamahalaan na dapat malaman ng taumbayan ang panggagalingan ng perang gagastusin sa Build Build Build Program.
Read: Numero, hindi sapat na basehan sa paglago ng ekonomiya