154 total views
Higit sa 11,000 katao ang nagsilikas mula sa Pagayawan at Tubaran, Lanao Del Sur dahil ng isinagawang ‘Military Offensive’ ng Armed Forces of the Philippines laban sa nalalabing miyembro ng Maute-ISIS group.
Ayon kay Bro. Rey Barnido, Executive Director ng Duyog Marawi at Social Action Coordinator ng Prelatura ng Marawi, ang Operasyon ay isinagawa dalawang araw matapos ang pagdiriwang ng Ramadan.
Sinabi ni Barnido na naabisuhan na sila ng Militar hinggil sa hakbang bunsod ng patuloy na ‘Recruitment’ ng mga Terrorista sa Mindanao.
“Two days after Ramadan kaagad sila nag-attack. Alam naman namin na on-going pa rin ang mga recruitment ng supporters ng Maute brothers, nakakalungkot nga lang kasi marami doon sa mga na-displace doon sa Pagayawan ay galing din sa Marawi na nag-evacuate ulit. Kaya naaawa din kami doon sa mga na-displace twice dahil sa pangyayari,” ayon kay Barnido.
Inihayag ni Barnido na nagpadala na rin sila ng mga kinatawan upang malaman kung ano ang kailangang tulong ng mga nagsilikas na ngayon ay sinusuportahan pa ng Pamahalaang Lokal ang kanilang pangangailangan.
Patuloy naman ang isinagawang Programa ng Duyog Marawi na naapektuhan ng pagsalakay noon ng Maute-ISIS, kasabay na rin ng mga Proyekto ng Simbahan para sa pabahay ng Caritas Manila at Livelihood Projects sa tulong naman ng Pondo ng Pinoy.
Pinagtutuunan din ng pansin ng Duyog Marawi ang Programa sa Peace Building lalu na sa mga kabataang Maranao.
“Patuloy ang ating program sa peace building dahil apektado nga yung Muslim-Christian relations dahil dun.
At meron ding programa ng prevention on violent extremism among the youth so doon naka-focus ang ating atensyon dahil nalaman din natin sa militar na ang mga kabataan ang tinarget ng mga ISIS. Mga 9 years old nire-recruit nila.. Yung sumali sa giyera ngayon ay mga 11, 12, 13 years old,” dagdag pa ni Barnido.
Base sa Impormasyon ng Militar, tinatayang may 300 ang bilang ng Maute-ISIS na patuloy pa rin na nanghihikayat ng mga miyembro.
Sa naganap na Marawi Siege noong nakalipas na taon higit sa isang libo katao ang napatay sa Digmaan kabilang na dito ang mga Rebelde, mga Sundalo at mga Sibilyan.
Una na ring nanawagan si Pope Francis na iwaksi ang Karahasan at Digmaan lalu’t bunga nito ay Pagkasira ng buhay at ng Lipunan.