210 total views
Pinuri ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Clergy ang inorganisang 2018 CFC Clergy – Lay Congress na may temang “One Church, One Mission, One Priesthood”.
Ayon kay Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico – Chairman ng Kumisyon, naaangkop ang isinagawang pagtitipon ng Couples for Christ o CFC sa paggunita ng Simbahang Katolika sa ‘Year of the Clergy and Consecrated Persons’ bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Pagbabahagi ni Bishop Famadico, ang mga Pari at iba pang mga lingkod ng Simbahan ay nag-aalay ng buhay sa Panginoon upang magabayan ang mga Layko at Mananampalataya sa pagkakaroon ng buhay na maayos at kasiya-siya na ninanais ng Diyos.
“Maganda yan dahil ngayon ay Year of the Clergy and Consecrated Persons at kami naman ay nabubuhay hindi para sa aming sarili kundi para sa mga Lay at yung meaning ng aming buhay ay dahil kami ay tagapag-lingkod nila kapag wala sila wala kaming magagawa, wala kaming trabaho so maganda naman na ito ay naorganized.” pahayag ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.
Samantala, nagpaabot rin ng pagkilala si CBCP Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa aktibong Partisipasyon at Suporta ng Couples for Christ sa misyon ng Simbahang Katolika.
Dahil dito, umaasa si Bishop David na magpatuloy pa ang masidhing Adbokasiya ng CFC bilang katuwang na layko ng mga lingkod ng Simbahang Katolika sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.
“Sana magtuloy-tuloy pa ito kasi we need lay people hindi naman namin magagawa yung evangelization na kaparian lang at we now are promoting a participatory church and pagdating sa participation and the mission of the church naku saludo ako sa Couples for Christ sa ginagawa nila…” pahayag ni CBCP Vice President Bishop David.
Ang 2018 CFC Clergy – Lay Congress ay bahagi ng ika-37 anibersaryo ng Couples for Christ na layuning mas mapatatag at mapayabong pa ang relasyon ng mga layko at mga lingkod ng Simbahan.
Taong 1981 ng maitatag ang Couples for Christ na naglalayong mapagtibay ang pundasyon ng bawat pamilyang Filipino sa pamamagitan ng mas malalim na pagsasabuhay sa mabuting balita ng Diyos.
Nagsimula lamang sa 16 na mag-asawa ang unang miyembro ng CFC na ngayon ay mayroon ng mahigit sa 500,000 mag-asawang miyembro sa buong bansa.