221 total views
Mga Kapanalig, naging laman ng balita at mainit na paksa ng mga usap-usapan ang ginawang paghalik ni Pangulong Duterte sa isang ginang na OFW habang nasa isang pagtitipon siya ng mga kababayan natin noong bumisita siya sa South Korea. Natabunan nito ang anumang tungkol sa kasunduang pinasok ng ating pamahalaan sa pamahalaang South Korea.
Umani ng matinding batikos lalo na sa social media ang kontrobersyal na halikan. At gaya ng inaasahan, sinalagan ito ng mga tauhan ng pangulo. Hindi raw dapat haluan ng malisya ang paghalik na iyon dahil tanggap daw ito sa kultura nating mga Pilipino, ayon ito sa opisyal na tagapagsalita ng pangulo. “Playful act” o parang laro lamang daw iyon kaya’t hindi maituturing na imorál. Ipinagtanggol din ang pangulo ng kanyang numero unong tagasuporta na communications assistant secretary din. Sa isang post sa Facebook, inilagay pa niya ang video clip ni Senador Ninoy Aquino kung saan hinalikan siya ng isang babae habang palabas ng eroplano ilang minuto bago siya paslangin. Hindi rin daw ba iyon masagwa? Sabi naman ng chief presidential counsel, parang paghalik lamang daw iyon ng isang lolo sa kanyang sanggol na apo. Para sa ginang na hinalikan, “once-in-a-lifetime experience” daw ang paghalik sa kanya ng pinakamataas na kinatawan ng mga mamamayan ng Pilipinas.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabing wala siyang nakikitang mali (o kahindik-hindik) sa kanyang paghalik—“showbiz” daw iyon at natuwa silang dalawa ng ginang na kanyang hinalikan. Natuwa rin ang mga naghihiwayawang OFWs. Sabi pa niya, kailangan daw ng mga babae ng romansa, at ipinagmalaki pa niyang ginagawa raw niya ito noong meyor pa siya ng Davao.
May paalala tungkol sa pamumuno at paglilingkod si St John Paul II sa kanyang apostolic exhortation na Christifideles Laici. Sabi niya, “The spirit of service is a fundamental element in the exercise of political power. This spirit of service, together with the necessary competence and efficiency, can make ‘virtuous’ or ‘above criticism’ the activity of persons in public life which is justly demanded by the rest of the people.” Sa wikang Filipino: ang diwa ng paglilingkod ay isang pangunahing saligan ng pagganap ng ating mga lider ng kapangyarihang ibinigay natin sa kanila. Kung tunay ang paglilingkod ng ating mga lider, naiiwasan nilang mabahiran ng dungis ang anumang kanilang ginagawa at nararapat lamang na asahan ito ng mga mamamayan sa kanila.
Gamit ang paalalang ito ng ating Simbahan, maaari nating itanong: sa paanong paraan nangingibabaw ang diwa ng paglilingkod sa mga ikinikilos ng ating mga kasalukuyang lider? Paano ginagamit ng mga nasa pamahalaan ang kapangyarihan nila upang paglingkuran ang sambayanan kahit sa mga pagkilos nila?
Kung ginagamit ang kapangyarihang iyon upang lamangan at pagsamantalahan ang kanilang pinamumunuan, hindi tunay ang kanilang paglilingkod.
Kung ginagamit ang kapangyarihan upang magpalaganap ng maling pananaw tungkol sa ugnayan ng babae at lalaki o ng kulturang walang pagkilala sa dignidad ng tao, hindi tunay ang kanilang paglilingkod.
Kung ginagamit ang kapangyarihan upang bulagin ang mga tao nang hindi nila makita ang mali, ang kawalang katarungan, at ang hindi makatao sa kanilang paligid, hindi tunay ang kanilang paglilingkod.
Kung hinahayaan natin ang ating “ama” na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang bastusin sa harap ng maraming tao ang kanyang anak o apo, sa ngalan ng katuwaan, hindi tunay ang kanyang pagiging “ama” sa atin.
Mga Kapanalig, may kasabihan sa Ingles: “The eyes are useless when the mind is blind.” Walang silbi ang mga mata kung ang isip ay bulag. Huwag nating hayaang mabulag ang ating mga isip ng mga taong ginagamit sa maling paraan ang kapangyarihang iniatang sa kanila. Bagamat mahirap gawin, tulungan din natin ang ating kapwang mabuksan ang kanilang isipang binubulag ng kasinungalingan at kamangmangan.
Sumainyo ang katotohanan.