250 total views
Mga Kapanalig, mabuhay ang ating kalayaan!
Ngayon, Hunyo 12, ang ika-120 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Huwag sana nating kalimutang maraming buhay ang isinakripisyo upang makamit at patuloy nating tamasahin ang ating kalayaan. Utang na loob natin ito sa ating mga bayaning nag-alay ng kanilang dunong, lakas, tapang, at mismong buhay upang palayain ang ating bayan mula sa mga dayuhan, mahigit isang siglo na ang nakararaan. Sila ang mga bayaning gumising sa ating diwa bilang isang bayan, bilang isang lahing hindi na muling magpapaalipin sa dayuhang mananakop. Sila ang dahilan kung bakit naipapahayag nating tayo’y malaya.
Nakalulungkot na tila ba naisasantabi na ang pag-aalay ng buhay ng ating mga bayani. Sa harap ng malalaking puwersang umaagaw sa ating teritoryo at likas-yaman, tila bumabahag ang buntot ng mga inaasahan nating ipagtatanggol ang ating kalayaan at kasarinlan laban sa mga dayuhan.
Noong isang linggo, lumabas ang isang video na nagpapakita ng paglapit ng Chinese Coast Guard sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda upang kunin ang kanilang huli. Ayon sa isang mangingisda, hindi iyon ang unang pagkakataong kinuha ng Chinese Coast Guard ang mga isdang kanilang huli; pinipili pa raw ng mga ito ang pinakamagagandang isda. Nakunan ang video sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal na nakapaloob sa 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas. Tandaan natin, mga Kapanalig, na batay sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration na inilabas noong 2016, ang Scarborough Shoal, bagamat nasa loob ng ating EEZ, ay idineklarang common fishing ground para sa mga mangingisdang Pilipino, Tsino, at iba pang mula sa mga karatig na bansa. Ipinawalang-bisa rin ng desisyong iyon ang nine-dash line na ginagamit ng China upang kamkamin ang mga islang nakapaloob sa ating teritoryo.
Ipinakikita lamang ng video na iyon kung gaano binabalewala ng China ang makasaysayang desisyon ng Permanent Court of Arbitration. Maliban sa panggigipit sa mga maliliit na Pilipinong mangingisda, patuloy din ang militarisasyon ng China sa mga pinag-aagawang isla. Sa kabila nito, hindi natin mariringgan ng matapang na salita si Pangulong Duterte gaya ng pagbabanta niya sa kanyang mga kritiko, sa Simbahang Katolika, at sa Estados Unidos at European Union. Minsan pa nga niyang sinabing mahal niya ang pangulo ng China na si Xi Jin Ping. Kailangan din daw natin ang tulong ng China, kaya’t bakit daw tayo papasok sa giyerang tiyak na talo tayo? Ngunit wala namang nagsasabing makipagdigmaan tayo sa Tsina; ang panawagan ay paninidigan ng pamahalaan ang ating karapatan bilang isang malayang bansa.
Mga Kapanalig, itinuturo sa atin ng panlipunang turo ng Simbahan na ang gabay sa pakikipag-ugnayan ng mga bansa sa isa’t isa ay katulad ng gabay natin sa pakikipagkapwa-tao. Nakaugat dapat ito sa katotohanan, katarungan, at pakikiisang may paggalang sa kasarinlan sa isa’t isa. Nililiwanagan ito ng katwiran, ng prinsipyo ng pagiging patas, at ng proseso ng batas. Walang ugnayang nabubuo kung paiiralin ang karahasan, diskriminasyon, pananakot, at panlilinlang.
Muli, hindi natin nais na hamunin ng giyera ang China kahit pa ginigipit nito ang ating mga kababayang mangingisda at kahit pa inaangkin nito ang ating mga isla. Hindi natin kailangang humawak ng armas gaya ng ginawa ng ilan nating mga bayani upang makalaya tayo sa pananakop ng España. Ngunit kung tumitiklop lamang tayo sa panggigipit ng isang malakas na bansa at kung hindi natin igigiit ang ating karapatan bilang isang bansa sa pamamagitan ng batas at propesyunal na diplomasya, nawawalan ng saysay ang ipinaglabang kalayaan ng ating mga bayani.
Mga Kapanalig, paalala ang Araw ng Kalayaan ng paninindigan ng ating mga bayani para sa ating kasarinlan at kalayaan sa halagang hindi matutumbasan. Suriin natin ang mga lider natin ngayon—pinaninindigan ba nila ang ating kalayaan? Tayong mga mamamayan: ipinaglalaban din ba natin ang ating kalayaan?
Sumainyo ang katotohanan.