157 total views
Nararapat na magsilbing Ehemplo ang Pangulo sa pagbibigay ng paggalang at pagrespeto sa paniniwala at pananampalataya ng bawat mamamayang Filipino.
Ito ang binigyang diin ng dating kinatawan ng Pilipinas sa Vatican kaugnay sa patuloy na mga Kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa Simbahang Katolika.
Ayon kay Former Ambassador to the Holy See Henrietta T. De Villa na siya ring Pangulo ng Mother Butler Guild, nananatili pa ring palaisipan ang tunay na dahilan ng patuloy na pagkundina at mga pahayag ng Pangulo laban sa Simbahang Katolika.
“Hindi ko naman sinasabing dapat gawin din niya sa ibang relihiyon, pero bakit ang pinag-iinitan niya ay yung relihiyon natin? Huwag naman, huwag naman. Magbigay naman sana ang Presidente ng magandang halimbawa na nirerespeto niya ang relihiyon ng bawat mamamayan at saka ang Diyos, pakitaan naman niya ng paggalang.” pahayag ni De Villa sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabagi ni De Villa, lubos na nakalulungkot ang mga binitawang salita at pagmumura ng Pangulo sa Panginoon na wala naman aniyang masamang ginawa sa kanya.
Bukod dito, iginiit din ni De Villa na sa kabila ng anumang sama ng loob na maaring mayroon ang Pangulo laban sa Simbahan ay hindi dapat ito na humantong sa pang-iinsulto at pagmumura sa Panginoon.
“Kung meron siyang sama ng loob sa Simbahan huwag naman niyang insultuhin at murahin yung ating Panginoon kasi isipin din niya alam mo nirerespeto ko ang Presidente dahil siya ang ama ng bayan hindi ba. Ang sa akin lang respetuhin din naman niya ang ating Panginoon at saka isipin din niya yung mga boto niya saan ba nanggaling? Nanggaling din sa mga Katoliko,totoo naman yun.” Dagdag pa ni Ambassador de Villa.
Kaugnay nito sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2011, may limang pangunahing relihiyon sa bansa kung saan tinatayang 82.9 na Porsyento ng kabuuang Populasyon ng Pilipinas ang mga Katoliko; 5.4 na Porsyento ang mga Protestante; 4.6 na Porsyento ang mga Islam; habang may higit sa 2 Porsyento naman ang bahagi ng Philippine Independent Church at Iglesia ni Cristo.