241 total views
Handa rin ang Philippine Conference of Evangelical Churches (PCEC) na makipag-usap sa pamahalaan kaugnay na rin sa mga kontrobersyal na pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa pananampalatayang Kristiyano.
Ayon kay Bishop Ephraim Tindero, dating National Director ng PCEC, bahagi ng misyon ng Simbahan ang pakikipag-usap para sa pagkakaisa tungo sa kabutihan ng mas nakakarami.
“Ang simbahan dapat na maging ‘moral conscience’ at sila ang magbibigay ng tunay na gabay at tulong para din sa magandang koordinasyon ng ating bayan,” ayon kay Tindero sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Una na ring naglabas ng pahayag ang ‘Evangelical Churches’ ng panawagan sa Pangulo laban sa mga binitiwan nitong salita na may pangungutya sa Diyos at sa pananampalataya.
Bumuo na ang pamahalaan ng 3-man panel para sa pakikipag-usap sa mga nasaktan ng mga binitiwang pahayag ng pangulo.
Kinumpirma naman ni Tindero na nakipag-ugnayan na ang Malacanang sa kanilang grupo sa pamamagitan ni Bishop Noel Pantoja ang kasalukuyang National Director ng PCEC.
Ang ‘Evangelical Churches’ ay binubuo ng may 70 miyembro sa iba’t ibang panig ng Bansa na binubuo ng higit 10 porsiyento sa kabuuang Populasyon ng Pilipinas.