259 total views
Sa mga magulang nararapat na magsimula ang paghubog sa mabuting asal at ugali ng mga kabataan.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Clergy kaugnay sa planong pagtutok ng Department of Education sa pagbibigay ng Good Manners and Right Conduct sa mga kabataang mag-aaral.
Ipinaliwanag ng Obispo na bagamat malaki ang papel na ginagampanan ng paaralan sa pagkakaroon ng mabuting asal ng mga kabataan ay dapat pa ring magmula ito sa mga magulang at iba pang nakakatanda na maaring tingalain at gawing huwaran ng mga kabataan sa kanilang paglaki.
Ipinaalala ni Bishop Famadico na bahagi ng pangako ng mga magulang sa sakramento ng binyag ay ang pagsisilbing mabuting halimbawa sa mga bata hindi lamang sa tama at mabuting asal kundi sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Panginoon.
“Dapat ngang maibalik o maibigyan ng kaukulang emphasis pero sa totoo lang yan ay dapat na nagsisimula sa bahay, kaya ang dapat na magturo niyan ay yung mga magulang. Hindi yan sa pamamagitan ng pagtuturo dahil kung ano ang nakikita ng mga bata sa matatanda ay tama.Bilang Katoliko, ang mga magulang ay nangako noong dinala nila sa binyag itong mga bata na ito na magsisilbing mabuting halimbawa sa pananampalataya…” paglilinaw ni Bishop Famadico sa panayam sa Radyo Veritas.
Nilinaw naman ng Obispo na bukod sa mga magulang ay kasama rin sa mga tinitingala at nagsisilbing huwaran ng mga kabataan ay ang iba pang nakakatanda sa pamayanan tulad ng mga kilalang lider at opisyal ng pamahalaan.
Naunang inihayag ni DepEd Secretary Leonor Briones na layuning mapalakas ng kagawaran ang basic values ng mga kabataan mula sa murang edad para sa muling pagsusuri sa curriculum ng K-12 Program upang maidagdad ang Good Manners, Right Conduct at Proper Values mula Kindergarden, Grade 1 at Grade 2.