250 total views
Tiyakin ng gobyerno ang pagkakaroon ng safeguards sa planong pagpapatupad ng drug testing sa mga mag-aaral upang mapangalagaan ang kanilang karapatan.
Ito ang hamon ni Bro. Gerry Bernabe, Vice President ng Philippines Action for Youth Offenders sa mga otoridad sa planong drug testing sa mga mag-aaral.
Iginiit ni Bernabe na kailangang mayroong naaangkop na mga panuntunan ang magpapatupad ng drug testing upang hindi maabuso ang anumang karapatan ng mga kabataan na maaring hindi pa ganap na maintindihan ang layunin ng naturang hakbang.
“Lalo na kung ang pulis ang mag-iimplement niyan kailangan talaga magkaroon ng effective safeguards para huwag maabuso siguro kung ang mismong mga teachers at yung mga school administrations ang magsasagawa ng ganyang policy puwede pa siguro pero kailangan talaga merong mga effective safeguards na ilagay para huwag maabuso.” pahayag ni Bernabe sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Bernabe na kung hindi mapangasiwaan ng maayos ang panukala at maabuso ang karapatan ng mga kabataang mag-aaral ay isa na naman itong manipestasyon ng punitive mentality ng pamahalaaan at hindi rehabilitasyon ng mga nagkasala.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency(PDEA), layunin ng panukalang Mandatory Drug Testing ang mapigilan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa mga kabataang mag-aaral mula sa mahigit 40,000 paaralan sa buong bansa.
Naunang nagpahayag ng pagsang-ayon ang CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa naturang panukala upang mapigilan ang mga kabataan na masangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Read: Mandatory Drug test sa 10-taong gulang na Bata, Sinang-ayunan ng CBCP