307 total views
Naniniwala ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines o FEJODAP na walang patutunguhan ang planong modernisasyon sa pampublikong sasakyan kung walang maayos na polisiya.
Nilinaw ni Zenaida Maranan, pangulo ng FEJODAP na bagamat payag ang kanilang hanay sa programang modernisasyon ng pamahalaan ay inaalala nito ang mga maliliit na jeepney operator na tatamaan sa polisiya sa ilalim ng omnibus franchise ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Ang problema namin kahit payag na kami nakakaawa po ang single operator. Kahit anong ganda ng modernization pero kung ang polisiya naman ay hindi mapapaimplement na hindi po namin kaya wala rin mangyayari dito baka di rin matuloy ang modernization.” pahayag ni Maranan sa Radio Veritas.
Nais din ng grupo na personal makausap si Pangulong Rodrigo Duterte upang talakayin ang saloobin ng sektor pangtransportasyon hinggil sa mga polisiyang ipatutupad para sa programang modernisasyon sa pampublikong mga sasakyan.
Sa pagtaya ni Maranan mahigit sa 260 – libo ang mga jeepney sa buong bansa na sasailalim sa PUV modernization program lalo na ang mga luma at sira-sirang jeep.
Bukod dito, apektado rin ang sektor pangtransportasyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo simula nang ipinatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kung saan pinapatawan ng mataas na buwis ang mga produktong langis sa bansa.
Ayon sa pangulo ng FEJODAP, noon pa hiniling ng grupo sa Kongreso na huwag isali ang pampublikong sasakyan sa TRAIN Law dahil maapektuhan din nito ang mahigit kalahating milyong sumasakay dito araw-araw.
“May sulat na kami sa congress noon binubuo pa lang nila ito pati sa senado na kumokontra kami, ang sabi namin huwag kaming isali sa TRAIN law na kung maari ang public utility exempted na nila doon sa TRAIN Law na gagawin nila pagkat kami ay serbisyo publiko.” dagdag ni Maranan.
Samantala, tiniyak naman ni Maranan na hindi magsasagawa ng tigil pasada ang FEJODAP at kaalyadong grupo kasabay ng State of the Nation Address ng pangulo sa ika – 23 ng Hulyo dahil mahalagang mapakinggan ang ulat ng pinuno ng bansa.
Sa mensahe noon ng Kaniyang Kabanalang Francisco bagamat hinimok nito ang mananampalataya na huwag tangkilikin ang mga sasakyang nakadadagdag sa polusyon sa kapaligiran ay hinikayat nito ang bawat lider ng bansa na isaalang-alang ang kapakanan ng bawat sektor sa lipunan sa pagpapatupad ng mga reporma.